top of page
Search

Chavit Singson, gustong magkasundo ang pamilya Yulo, ibang negosyante tila kinukunsinti si Caloy

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 14, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

NPD GEN. GAPAS WALANG ‘WAR ON ILLEGAL GAMBLING’ KAYA DAMING GAMBLING LORDS SA CALOOCAN, MALABON AT NAVOTAS -- Lantaran na naman daw ang operasyon ng mga raket na lotteng, EZ-2, bookies nina "Edmund" sa Caloocan City;  "Mario Bokbok," "Atan," "Noel," "Ponga," "Lina Robles" sa Malabon City at "Leody" at "Judy" sa Navotas City.


Tila walang deklarasyong “war on illegal gambling” si Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Rizalito Gapas kaya sangkaterba ang mga gambling lords sa kanyang nasasakupan, boom!


XXX


BUTI PA SI CHAVIT SINGSON GUSTONG MAGKASUNDO ANG PAMILYA YULO, IBANG NEGOSYANTE TILA KINUKUNSINTI ANG PAGTAKWIL NI CALOY SA PAMILYA -- Sa lahat ng mga negosyanteng natuwa sa pagkapanalo ng 2 gintong medalya sa Olympics ni gymnast Carlos Yulo, si former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang masasabi nating may puso dahil may kondisyon siya na bago magbigay ng P5 million sa 2 gold medalist ay nais niyang makitang nakipagkasundo na ito (Caloy) sa pamilya na kanyang itinakwil.

‘Yun kasing ibang negosyante, parang walang paki sa nararamdaman ng mama, papa, mga kapatid, maging lolo at lola, bigay sila nang bigay ng mga biyaya nang walang kondisyon, na iyan tuloy ang nagiging dahilan kaya lalong lumalakas ang loob ni Caloy na tikisin ang kanyang pamilya, na kumbaga, parang kinukunsinti pa ng mga kapitalista ang ginawang pagtakwil ng gold medalist na ito sa kanyang pamilya.


Para kay ex-Gov. Chavit, God bless sa inyong magandang hangarin, at para sa mga negosyanteng tila kumukunsinti sa pagtakwil ni Caloy sa kanyang pamilya, mga pwe!


XXX


PROMISE NI PBBM NA PAGAGANDAHIN ANG BUHAY NG MGA MAGSASAKA, BAKA KATULAD DIN IYAN NG P20 PER KILONG BIGAS NA HINDI NATUPAD -- Sa birthday kahapon ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay nangako siyang pagagandahin ang buhay ng mga magsasaka.


Ang promise na iyan ni PBBM ay huwag masyadong asahan ng mga magsasaka, kasi parang P20 per kilo ng bigas din iyan na campaign promise niya noong 2022 election, pero year 2024 na ay hindi pa natutupad, boom!


XXX


KUNG GUSTONG TULUNGAN NI PBBM ANG MGA MAGSASAKA, DAPAT IPAWALANG-BISA NIYA ANG RICE TARIFF LAW AT BIGYAN NG TODONG SUPORTA SA MGA MAGSASAKA -- Kung nais talaga ni PBBM na gumanda ang pamumuhay ng mga magsasaka ay dalawang bagay lang ang dapat niyang gawin.


Una, ipawalang-bisa niya ang Rice Tariffication Law, at pangalawa utusan niya ang Dept. of Agriculture (DA) na bigyan ng todong tulong ang mga magsasaka, at kapag nagawa iyan ni PBBM, diyan na giginhawa ang buhay ng mga magsasaka, period!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page