ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 11, 2024
Mapapanood ng mga karerista ang banatan ng posibleng maging champion horse paglarga ng 2024 PHILRACOM "Road to Triple Crown Stakes Race" na ilalarga darating na Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
May distansyang 1,600 meter race, pitong mahuhusay na batang kabayo ang nagsaad ng paglahok sa karerang nakalaan ang P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Isa sa matinding kasali ay ang Ghost na sasakyan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Susungkitin ng mananalong kabayo ang P600,000, ang ibang makikipagtagisan ng bilis ay ang Added Haha, Batang Manda, Heartening To See, Jeng's Had Enough, Over Azooming at Sting.
Base sa komento ng mga karerista, posibleng magpakitang-gilas ang Batang Manda na pag-aari ni Benjamin Abalos at gagabayan ni dating PSA-JoY awardee Patricio Ramos Dilema.
Hahamigin ng second placer ang P200,000, mapupunta ang P100,000 sa pangatlo habang tig- P50,000, P30,000 at P20,000 ang fourth hanggang sixth ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P50,000 at tig-P30,000 at P20,000 ang second at third.
Samantala, kakargahin ng fillies ang 52 kilograms habang 54 kilograms ang papasanin ng Colts sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Comments