top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

CEU Scorpions at St. Dominic, tuloy ang angat sa NCRAA

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 14, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 14, 2023




Patuloy ang pag-angat ng defending champion Centro Escolar University Scorpions at wagi sa Saint Dominic College of Asia Pikemen, 65-53, sa pagbabalik ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament sa Valdez Hall ng PATTS College of Aeronautics noong Miyerkules.


Sa Women’s Division, inangkin ng defending champion De La Salle University-Dasmarinas Lady Patriots ang solong liderato sa 86-59 tambak sa Emilio Aguinaldo College-Cavite Lady Vanguard.


Lamang ang EAC sa halftime, 34-33, subalit nagising ang DLSU at mahigit dinoble ang kanilang puntos upang lumamang matapos ang tatlong quarter, 69-41. Namuno sa Lady Patriots si Eula Atienza na may 21 puntos para manatiling malinis sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay.


Pinahaba ng CEU sa lima ang kanilang sunod-sunod na panalo para sa kartadang 6-1, isang laro ang hahabulin sa nagpapahingang Olivarez College (7-0). Tinuldukan ni Franz Diaz ang kanyang 14 puntos sa tres na nagbigay sa Scorpions ng kanilang pinakamalaking lamang papasok sa huling minuto, 65-51.


Sa ibang laro, uminit ang Asian Institute Maritime Studies Blue Sharks sa simula ng fourth quarter upang mabigo ang EAC-Cavite Vanguard, 84-77, at umakyat sa 3-4 panalo-talo. Ipinasok ng AIMS ang unang pitong puntos ng fourth quarter upang lumayo, 70-62.


Tumira ng magkasunod na buslo si Dan Datwin upang itayo ang kanilang pinakamalaking agwat, 81-67, at itakda sa 13 ang kanyang puntos na may 3:44 sa orasan. Nanguna sa Blue Sharks si Alexis Himan na may 22 puntos, 13 rebound at walong assist.


Sa tampok na laro, dinepensahan ng PATTS Seahorses ang kanilang tahanan sa bisitang Lyceum of the Philippines University-Laguna, 77-59. Humugot ng opensa ang PATTS kay Norman Torreno na may 18 at Mark Jayson Morada na may 16 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page