Celtics, sinuspinde ang head coach dahil sa conduct
- BULGAR
- Sep 25, 2022
- 2 min read
ni MC - @Sports | September 25, 2022

Sinuspinde ng Boston Celtics si head coach Ime Udoka para sa buong 2022-23 NBA season noong Huwebes (Biyernes, oras sa Maynila) dahil sa “mga paglabag sa mga patakaran ng koponan.”
“Ang isang desisyon tungkol sa kanyang magiging future sa Celtics pagkatapos ng season na ito ay gagawin sa ibang araw,” sabi ng koponan sa isang pahayag. “Agad na magkakabisa ang suspensyon.”
Iniulat ng ESPN at The Athletic noong Huwebes na ang 45-anyos na Nigerian-American ay nagkaroon ng consensual relationship sa isang babaeng miyembro ng Celtics staff na lumabag sa code of conduct ng franchise.
Hindi tinukoy ng Celtics kung ano ang mga paglabag sa patakaran ni Udoka. Ang parusa, kabilang sa pinakamasakit na ibinigay sa isang NBA head coach, ay kasama ng preseason training camp ng Celtics na magbubukas sa susunod na linggo.
Maaring pumasok ang assistant coach na si Joe Mazzulla bilang pansamantalang coach para sa 2022-23 campaign, ayon sa ulat. Matatandaang ang nangungunang assistant coach ni Udoka noong nakaraang season, si Will Hardy, ay umalis noong Hunyo upang maging coach ng Utah Jazz.
Pinalitan ni Udoka si Brad Stevens bilang coach noong nakaraang season matapos ma-promote si Stevens bilang presidente ng basketball operations kasunod ng paglisan ni Danny Ainge.
Naglaro si Udoka ng pitong season sa NBA, ang huling apat sa San Antonio bago natapos ang kanyang karera sa paglalaro noong 2011.
Nagkaroon siya ng mga stints bilang assistant coach sa San Antonio, Philadelphia at Brooklyn bago namuno sa Celtics noong Hunyo 2021 at nagkaroon ng kahanga-hangang debut season.
Nagtapos ang Boston noong nakaraang season sa isang 28-7 run at gumulong sa Eastern Conference upang maabot ang NBA Finals noong Hunyo sa unang pagkakataon mula noong 2010.








Comments