Celtics, pinahirapan muna ng Grizzlies; Raptors, ligtas
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 14, 2023

Pumasa sa isa pang pagsubok ang numero unong Boston Celtics sa bisitang Memphis Grizzlies, 119-109, sa NBA kahapon sa TD Garden. Sa isa pang laro ay umiwas sa disgrasya ang Toronto Raptors at lalong binaon ang kulelat na Detroit Pistons, 119-118.
Sinayang ng Celtics ang kanilang 61-46 lamang bago matapos ang first half at humabol ang Grizzlies na huling hinawakan ang 87-85 na lamang maaga sa huling quarter. Mula roon ay bumanat ng tres si Payton Pritchard at sinundan agad ng 3-point play ni Derrick White upang ibalik ang lamang sa Boston, 91-87, at hindi na nila binitiwan ito sa nalalabing 9 na minuto salamat sa 11 ng 16 puntos ni sentro Al Horford patungo sa 41-16 panalo-talo.
Double-double si White na may 10 ng kanyang 23 puntos sa 4th quarter at may kasamang 10 assist habang 20 puntos mula sa anim na three-points si Sam Hauser.
Winalis ng Celtics ang dalawang laro nila kontra Grizzlies, ang kasalukuyang pumapangalawa sa Western Conference, matapos ang 109-106 panalo noong Nobyembre 8 sa FedExForum.
Lamang ang Raptors papasok sa huling 10 minuto, 92-78, subalit pumalag ang Pistons at tinapyas ang agwat sa tatlong puntos na lang, 113-116, at 10 segundo sa orasan.
Sinalba ang Toronto ng dalawang free throw ni Fred VanVleet na may pitong segundo pa para lumayo, 118-113, at tuldukan ang kanyang 35 puntos.
Samantala, kinoronahang kampeon ng 2023 FIBA Intercontinental Cup ang host Lenovo Tenerife ng Espanya matapos ang 89-68 tagumpay sa Sao Paolo ng Brazil sa Santiago Martin Arena. Pumangatlo ang Rio Grande Valley Vipers na kampeon ng NBA G-League at tinalo ang kampeon ng Basketball Africa League na US Monastir ng Tunisia, 107-84.





Comments