Celtics, nanambak, Warriors, ginulat ni Fontecchio ng Jazz
- BULGAR
- Dec 9, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 9, 2022

Pumasa sa higanteng pagsubok ang bisitang Boston Celtics at tinambakan ang Phoenix Suns, 125-98, sa tapatan kahapon ng mga numero unong koponan ng Eastern at Western Conference ng NBA mula sa Footprint Center.
Nakahanap ang Utah Jazz ng hindi inaasahang bayani na si rookie Simone Fontecchio sa kanilang 124-123 paggulat sa World Champion Golden State Warriors.
Sa first quarter lang nakasabay ang Phoenix at umabot ng 45 ang lamang ng Boston sa 3rd quarter, 94-49, upang umakyat sa 21-5 panalo-talo. Parehong nagsumite ng 25 puntos sa 29 minuto ang “The Jays” Jayson Tatum at Jaylen Brown.
Inagaw ni Nickeil Alexander-Walker ang bola kay Jordan Poole na nagresulta sa nagpapanalong dunk ni Fontecchio at 1.4 segundo ang nalalabi. Namuno sa Jazz si kabayan Jordan Clarkson na may 22 puntos.
Bunga ng talo ng Suns na bumaba sa 16-9, may bagong numero uno sa West na New Orleans Pelicans matapos talunin ang Detroit Pistons, 104-98, sa likod ng 29 puntos at 10 rebound ni Zion Williamson at kartadang 16-8. Hindi nagpahuli ang Milwaukee Bucks sa paghabol sa Celtics at binigo ang Sacramento Kings, 126-113, salamat kay Giannis Antetokounmpo na may 35 at Jrue Holiday na may 31 puntos.
Dinomina ng Toronto Raptors ang bisitang Los Angeles Lakers, 126-113, kung saan parehong may 25 puntos sina Fred VanVleet at Pascal Siakam. Nagpasikat si numero unong rookie Paolo Banchero na ipinasok ang 10 ng kanyang 23 puntos sa overtime patungo sa 116-111 panalo ng Orlando Magic sa LA Clippers kasabay pagwakas ng kanilang siyam na magkasunod na talo.
Bumalik sa aksiyon si Ja Morant at gumawa ng triple double na 26 puntos, 13 rebound at 11 assist sa 123-102 panalo ng kanyang Memphis Grizzlies sa Oklahoma City Thunder.





Comments