Celtics, matibay sa no. 1; Nuggets lusot sa overtime
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 27, 2022

Kahit Pasko ay hindi ipinamigay at lalong pinatatag ng Boston Celtics ang estado bilang numero unong koponan ng NBA sa bisa ng 139-118 tambak sa bisitang Milwaukee Bucks mula sa TD Garden sa taunang Christmas Games. Sa Western Conference, nag-iisa na sa taas ang Denver Nuggets matapos lusutan ang Phoenix Suns sa overtime, 128-125.
Walang nakapigil kay Jayson Tatum na nagsabog ng 41 puntos habang nag-ambag ng 29 si Jaylen Brown. Lumayo ang Boston (24-10) sa humahabol na Milwaukee (22-11) at mga nagpahingang Cleveland Cavaliers (22-12) at Brooklyn Nets (21-12).
Sinimulan nina Kentavious Caldwell-Pope, Aaron Gordon at MVP Nikola Jokic ang overtime sa anim na sunod-sunod na puntos at sapat na iyan para sa Nuggets, 121-115.
Halimaw muli sa Jokic sa kanyang 41 puntos, 15 rebound at 15 assist at umakyat ang Denver sa 21-11 panalo-talo.
Tinakpan ni Jordan Poole ang patuloy na pagliban ni Stephen Curry bunga ng pilay na balikat at inihatak pababa ng World Champion Golden State Warriors ang dating kapwa numero uno sa West na Memphis Grizzlies, 123-109. Humataw agad para sa 17 ng kanyang 32 puntos si Poole sa first quarter at nakakuha ng tulong kay Klay Thompson na may 24 puntos.
Samantala, bumuhos ng 51 puntos ang Dallas Mavericks sa third quarter upang baligtarin ang 43-54 sa 94-75 at tuluyang sugpuin ang Los Angeles Lakers, 124-115.
Gumawa ng 13 ng kanyang 32 puntos si Luka Doncic sa nasabing quarter at sinundan nina Christian Wood na may 30 at Tim Hardaway Jr. na may 26 puntos.
Bumanat ng apat na three-points sa fourth quarter si Georges Niang ng Philadelphia 76ers laban sa New York Knicks para sa kanilang ika-walong sunod na panalo, 119-112.
Hindi nasayang ang trabaho nina Joel Embiid na may 35 puntos at James Harden na may 29 puntos at 13 assist.





Comments