Celtics, Jazz at Rockets, makulay ang holiday games
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 15, 2022

Patuloy ang makulay na kasaysayan ng matitinding magkaribal at kinailangan ng bisitang Boston Celtics ang overtime upang masugpo ang Los Angeles Lakers, 122-118, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena.
Nakabingwit din ng malaking isda ang mga koponan ng mga Pinoy pride na sina Jordan Clarkson at Utah Jazz at Jalen Green at Houston Rockets.
Ipinasok ni Jaylen Brown ang pangdiin na three-points na may 53 segundo sa orasan at umakyat sa walo ang lamang ng Celtics, 122-114. Bago noon, itinakda ni Jayson Tatum ang overtime sa kanyang shoot na may 17 segundong nalalabi, 110-110.
Nagtapos si Tatum na may 44 puntos at sinundan ni Brown na may 25 puntos at 10 rebound. Napawalang-bisa ang 37 puntos at 12 rebound ni Anthony Davis at 33 puntos ni LeBron James at bumagsak ang Lakers sa 11-16.
Bumanat si Green ng 26 puntos upang itulak ang Rockets sa 111-97 tagumpay sa Phoenix Suns. Nasa hulihan pa rin ng Western ang Houston sa kartadang 9-18.

Anim na Jazz kasama si Clarkson ang nag-ambag ng 10 o higit pang puntos sa 121-100 tambak sa dating solong numero uno ng Western Conference New Orleans Pelicans.
Namuno si reserba Malik Beasley sa kanyang 21 puntos at double-double si Laur Markkanen na 1 9 puntos at 11 rebound.
Dahil natalo, tabla na ang Pelicans at nagpapahingang Memphis Grizzlies sa taas ng West sa 18-9. Numero uno pa rin sa East ang Boston (22-7) at isang laro pa rin ang agwat nila sa humahabol na Milwaukee Bucks (20-7) na dinaig ang bisitang World Champion Golden State Warriors, 128-111.





Comments