Celtics, iniligwak ang Hawks, handa na vs. 76ers sa Semis
- BULGAR
- Apr 29, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 29, 2023

Iniligpit ng bisitang Boston Celtics ang palaban na Atlanta Hawks, 128-120, kahapon sa 2023 NBA Playoffs sa State Farm Arena. Winakasan ng Celtics ang seryeng best-of-seven, 4-2, at maghahanda na para sa Eastern Conference Semifinals laban sa Philadelphia 76ers.
Huling hinawakan ng Atlanta ang 113-110 lamang na may 6:24 nalalabi. Iyan ang hudyat para pumukol ng magkasunod na 3-points sina Jaylen Brown, Al Horford at Jayson Tatum at tinuldukan ng dunk ni Tatum para sa 121-113 lamang papasok sa last 2 minutes.
Hindi na nakabangon ang Hawks at sumandal ang Celtics kay Marcus Smart na ipinasok ang huling 7 puntos. Pumukol ng kabuuang anim na tres si Brown para sa 32 puntos habang may 30 puntos at 14 rebound si Tatum.
Nasayang ang 30 puntos at 10 assist ni Trae Young. Maliban sa hawak ang home court advantage, paborito ang Boston laban sa Philadelphia matapos manalo sa tatlo ng apat nilang tapatan ngayong taon.
Malaki ang nakasalalay sa kalagayan ng tuhod ni 76ers superstar Joel Embiid na napilay noong serye laban sa Brooklyn Nets na madali nilang winalis, 4-0. Hindi na naglaro ang kandidato para sa MVP sa ika-apat at huling laro noong Abril 22.
Magsisimula ang seryeng best-of-seven ng Celtics at 76ers sa Mayo 2. Ang kabilang serye sa pagitan ng New York Knicks at Miami Heat ay mauuna sa Mayo 1.
Samantala, susubukan ng Golden State Warriors at Los Angeles Lakers na tapusin ang mga serye sa Western Conference sa hiwalay na Game Six. Bawal na matalo ang Sacramento Kings sa Warriors at Memphis Grizzlies sa Lakers at gagawin nila ang lahat para ipilit ang Game 7 na kung kailangan ay sabay lalaruin sa Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas.





Comments