Celtics at Grizzlies, gising ang kampanya sa Game 2

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 5, 2022

Nagising ang Boston Celtics at dinurog ang bisitang Milwaukee Bucks sa Game 2 ng Eastern Conference Semifinals, 109-86, sa 2022 NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Sa Western Conference, mag-isang binuhay ni Most Improved Player Ja Morant ang Memphis Grizzlies patungo sa 106-101 panalo sa bisitang Golden State Warriors at itabla rin ang serye sa 1-1.
Matapos mapahiya sa Game 1, 89-101, nanigurado na ang Celtics at hindi na pinaporma ang Bucks hanggang lumobo ang lamang sa 72-46 sa 3rd quarter. Ang pinakamalapit na inabot ng Milwaukee ay noong natapyasan ang agwat sa 82-94 matapos ang dalawang free throw ni Giannis Antetokounmpo na may 4:30 sa orasan subalit sinagot ito ng dalawang tres ni Jayson Tatum upang masigurado ang panalo papasok sa last 2 minutes, 107-86.
Nanguna sa Boston si Jaylen Brown na may 30 puntos buhat sa anim na tres habang 29 puntos si Tatum. Malaki ang tulong ng reserbang si Williams na nag-ambag ng 21 puntos. Hawak ng Warriors ang 95-91 lamang papasok sa huling 4 na minuto at iyan ang hudyat para kay Morant na magsabog ng lahat ng huling 15 puntos ng Grizzlies upang maagaw ang abante at lumayo. Nagtapos si Morant na may 47 puntos at sinundan ng reserbang si Ziare Williams na may 14 puntos.
Samantala, may bagong Sixth Man of the Year sa katauhan ni Tyler Herro ng Miami Heat matapos niyang magtala ng 20.7 puntos galing sa 175 three-points sa 66 na laro na pinakamataas sa kanyang tatlong taon sa NBA. Nanalo si Herro sa botohan sa iba pang nominado na sina Kevin Love ng Cleveland Cavaliers, Cam Johnson ng Phoenix Suns at kabayan Jordan Clarkson ng Utah Jazz na nag-uwi ng karangalan noong nakaraang taon.





Comments