Cebu, nagkampeon sa CTG Pilipinas 3x3 Quest
- BULGAR
- Nov 22, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 22, 2022

Pinabagsak ng Cebu Chooks ang kapwa bigating Manila Chooks, 20-18, at angkinin ang korona ng 2022 Chooks-To-Go Pilipinas 3x3 Quest 2.0 linggo ng gabi sa Ayala Malls Solenad ng Sta. Rosa City. Napunta rin sa mga Cebuano ang P100,000 at karapatan na katawanin ang bansa sa 2022 FIBA 3x3 World Tour Hong Kong Masters sa Nobyembre 26 at 27.
Patungo na ang Cebu na tapusin ng maaga ang laban, 19-12, subalit nabuhay ang Manila at bumuhos ng pinagsamang 4 na puntos sina Dennis Santos at Dave Ando at lumapit, 16-19. Pansamantalang pinatahimik ang paghahabol ng malakas na dunk ni Mike Harry Nzeusseu pero hindi sumuko ang Manila at nagsumite ng dalawa pang puntos si Henry Iloka, 18-20.
Sumaksak si Mark Jayven Tallo upang tapusin na ang laro subalit nadulas siya at ibinalik ang bola sa Manila na may 0.7 segundo sa orasan. Agad ibinato ni Santos ang bola subalit nagmintis ito at hudyat ng selebrasyon ng Cebu.

Sa semifinals, umapoy si Tallo para sa pitong 2-points patungo sa 15 puntos upang pauwiin ng Cebu ang Talisay EGS, 21-6. Sa kabilang semis, pinagpag ng Manila ang malamyang simula at talunin ang Butuan Chooks, 21-15, sa likod ng 15 puntos ni Iloka.
“Gusto ko talagang maglaro sa Paris Olympics,” wika ng numero unong Pinoy at ika-85 sa buong mundo na si Tallo. “Kinalimutan ko muna ang limahan at nakatutok ang aking isip at katawan na maabot ang pangarap.”
Dagdag ni Tallo na simple lang ang kanilang layunin at makapasok sa quarterfinals sa Hong Kong. Mahalaga ang mga susunod na palaro hanggang Nobyembre 2023 at iyan ang tutukoy kung anong bansa ang papasok sa Olympics.





Comments