Cebu, ginulantang ang U.S. sa 3x3 Superquest
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 2, 2022

Gumawa ng ingay ang Cebu Chooks ng Pilipinas matapos gulatin ang Chicago ng Estados Unidos, 21-15, sa pagsabak sa Dubai Expo 3x3 SuperQuest noong Huwebes ng gabi sa United Arab Emirates. Malaking bagay ang tagumpay sa pagtatapos ng koponang Pinoy ng ika-siyam sa torneo na linahukan ng pitong iba pang mga bigatin sa buong mundo.
Napako ng depensa ang Chicago sa 15 puntos at mula roon ay bumuhos ng pitong sunod-sunod na puntos ang Cebu upang wakasan ang 10 minutong laro na may 1:43 nalalabi sa orasan sa buslo ni Mike Harry Nzeusseu. Nanguna si Mark Jayven Tallo na may 10 puntos kasama ang tatlo sa huling pito.
Sa kasamaang palad, hindi nagtagal ang kanilang kasiyahan at yumuko ang Cebu sa Antwerp ng Belgium sa sumunod na laro, 12-19, upang magpaalam ng maaga sa torneo. Ginamit ng husto ng Belgian ang lamang sa tangkad at karanasan upang tumalon sa 6-1 lamang at hindi na nakabangon ang mga Pinoy mula roon.
Pumalag subalit yumuko sa huli ang Cebu Chooks sa Riga ng Latvia sa kanilang unang laro, 17-21, kaya kinailangan nila walisin ang Chicago at Antwerp upang tumuloy sa semifinals. Humabol ang mga Pinoy at naging isa na lang ang pagitan, 16-17, subalit sinalba ni World #1 Nauris Miezis ang Riga sa kanyang dalawang two-points at wakasan ang laban na may 53 segundong nalalabi.





Comments