top of page
Search
  • BULGAR

Cebu at Manila FC, salpukan uli sa PFL

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 29, 2023




Mga laro ngayong Miyerkules – PFF National Training Center, Carmona

4:00 PM Maharlika Manila vs. Dynamic Herb Cebu


Sampung araw pa lang ang nakakalipas at maghaharap muli ang Dynamic Herb Cebu FC at Maharlika FC Manila sa handog ngayong Miyerkules ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa Philippine Football Federation National Training Center sa Carmona, Cavite simula 4:00 ng hapon at libre ito sa publiko. Sariwa pa ang 2-1 tagumpay ng mga Cebuano noong Marso 19 sa McKinley Hill Stadium.


Nakapahinga na ang Maharlika subalit galing ang Cebu sa 1-0 panalo sa Mendiola FC 1991 noong Sabado. Sapat ang nag-iisang goal ni Rintaro Hama sa ika-23 minuto upang umakyat ang Gentle Giants sa 37 puntos at lumapit sa numero unong Kaya FC Iloilo na may 42 puntos.


Ayon sa resulta ng kanilang naunang tatlong laro – 5-1, 1-0 at 2-1 – mabigat na paborito ang Cebu na walisin ang apat na laro. Subalit makikikita na umaangat ang laro ng tinaguriang Koponan ng Masa dahil kahit bigo ay lumiliit ang lamang sa kanila ng kalaro at gagawin ang lahat para makamit ang huling halakhak.


Samantala, umakyat sa pinakamataas sa antas sa kasaysayan ang Philippine Women’s Football National Team na ika-49 sa pinakabagong FIFA Women’s World Ranking na inilabas noong Biyernes ng gabi, oras sa Pilipinas. Patunay ito ng patuloy na pagbunga ng paghahanda ng Filipinas para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa New Zealand at Australia ngayong Hulyo.


Galing ang Filipinas sa ika-53 sa huling ulat noong Disyembre 9, 2022. Kasama sa kalkulasyon ang dalawang panalo ng Filipinas sa FIFA Friendly laban Papua New Guinea noong Disyembre 11 at 15 at ang paglahok sa 2023 Pinatar Cup noong Pebrero laban sa mga bigating Iceland, Wales at Scotland.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page