CCLEX para sa maayos na trapiko, tourist attraction at dagdag-oportunidad sa pag-unlad
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 29, 2022
Nitong Abril 27 ay sinamahan ko si Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) na ginanap sa CCLEX Toll Plaza sa Cordova, Cebu. Ang CCLEX ay may habang 8.9 kilometer at nag-uugnay ng Cebu City at Mactan Island, at kayang magserbisyo ng hanggang 50,000 sasakyan kada araw.
Bukod sa pagpapadali ng daloy ng trapiko, ito rin ay magiging tourist attraction at magdadala ng kaginhawahan at dagdag na oportunidad pangkabuhayan sa mga kapwa nating Bisaya. Patunay at bahagi ito sa pangako ng Pangulo na komportableng buhay sa bawat Pilipino.
Nagpapasalamat at pinupuri ko rin ang ating Pangulo sa patuloy niyang suporta para sa ating healthcare system.
Bilang inyong senador, tagumpay nating lahat ang pagsasabatas ng mga panukalang makakatulong sa mga kababayan nating naghihirap at walang ibang matakbuhan.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, hindi man ako isang doktor, sa tagal ko na kasama si Pangulong Duterte kahit noong mayor pa siya ng Davao City, malawak ang karanasan ko sa pagresponde sa pangangailangang medikal at pangkalusugan ng mga kapwa ko Pilipino. Ramdam ko ang sitwasyon ng mga pasyente mula sa pinakamaliit na klinika sa mga barangay hanggang sa pinakamalaking ospital ng pamahalaan.
Bago pa dumating ang pandemya, saksi ako sa kalagayan ng ating mga kababayan sa pag-iikot ko sa mga ospital sa buong bansa. Nakapanlulumong makita na ang ibang pasyente ay nasa corridor ng ospital dahil walang available na kama. Ang ilang ospital ay lumampas na sa kanilang bed occupancy rate — na ang ilan ay umabot pa sa 400%. Kawawa po ang kalagayan nila.
Sa pandemyang ito, nakita natin kung gaano kahalaga ang maayos na pamumuhunan sa kalusugan. Nahirapan tayo noong umpisa ng pandemya dahil kulang sa nagdaang mga dekada ang pagpapalakas sa ating healthcare system capacity.
Kaya natutuwa akong ibalita sa inyo na 11 panukalang batas na isinulong ko ang kamakailan ay nilagdaan ni Pangulong Duterte para maging ganap na batas at magkakabisa para sa pagpapabuti ng mga ospital ng pamahalaan at mas maayos na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan. Ito ay dagdag sa naunang 28 na mga panukalang isinulong ko na naisabatas din at naglalayong mapalakas ang ating healthcare system sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Mapapalakas din ng mga bagong batas na ito ang kapasidad ng ating public healthcare facilities sa mga komunidad para sa de-kalidad na pangangalaga sa mga Pilipino sa kanayunan lalo ngayong patuloy pa rin nating nilalabanan ang pandemya.
Kabilang sa 11 nilagdaang batas ang pagtatayo ng mga bagong ospital gaya ng Northwestern Cagayan General Hospital sa Abulug, Cagayan; Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan; at Northeastern Misamis General Hospital sa Villanueva, Misamis Oriental.
Ilang ospital din ang iko-convert para maging “general hospital” at madadagdagan ang bed capacity gaya ng Cotabato Sanitarium sa Sultan Kudarat, Maguindanao na magiging Cotabato Sanitarium and General Hospital; Sulu Sanitarium sa Jolo, Sulu para maging Sulu Sanitarium and General Hospital; at Western Visayas Sanitarium sa Sta. Barbara, Iloilo para maging Western Visayas Sanitarium and General Hospital.
Madadagdagan naman ang bed capacity ng Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City; Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City; at Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union.
Conversion at dagdag na bed capacity naman ang gagawin sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Daraga, Albay na magiging Bicol Regional Hospital and Medical Center; at Don Jose S. Monfort Medical Center Extension Hospital sa Barotac Nuevo, Iloilo na magiging Don Jose S. Monfort Medical Center.
Samantala, patuloy din ang aking paghahatid ng suporta sa ating mga kababayan na ang kabuhayan ay apektado pa rin ng iba’t ibang krisis. Nitong mga nakaraang araw, naghatid ang aking tanggapan ng tulong sa siyam na pamilyang nasunugan sa Parañaque City; habang 4,121 naman na naapektuhan ng bagyo ang nabigyan ng tulong sa Abuyog, Leyte.
Naayudahan naman ang 1,666 benepisyaryo sa Argao, Cebu na mula sa iba’t ibang sektor. Nakapag-iwan din tayo ng ngiti sa mga mukha ng 2,000 mahihirap na residente mula sa Candaba, Pampanga; 1,000 sa Teresa, Rizal; 1,000 sa Maragondon, Cavite; 402 sa San Jose del Monte City, Bulacan; 584 sa Iba at Subic, Zambales; 111 sa Limay, Bataan; at 21 sa Liloy, Zamboanga del Norte.
May mahihirap na pamilya rin sa Metro Manila na ating naayudahan na kinabibilangan ng 1,000 benepisyaryo sa Valenzuela City; 836 mula sa Bgy. 186, Caloocan City; at 499 pa sa Muntinlupa City.
Bibisitahin ko rin ang ating mga kababayan, ngayong araw, sa Talicud Island sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte upang patuloy na mapakinggan ang kanilang mga hinaing, masolusyunan ang kanilang mga problema, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Asahan po ninyo na patuloy na magtatrabaho ang inyong Kuya Bong Go sa loob at labas ng Senado para ipaglaban kayo — lalo na ang mga pinakanangangailangan. Patuloy rin ninyo akong makikita sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong, at lagi ninyong malalapitan anumang oras para mapagaan ang hirap na pinapasan ng ating mga kababayan.
Sisikapin pa nating maiparamdam sa lahat ang maayos na serbisyo-publiko tungo sa mas maginhawa at ligtas na buhay para sa mga Pilipino na ipinangako sa atin ni Pangulong Duterte.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments