Casimero, may laban kay Japanese Akaho sa Disyembre
- BULGAR
- Oct 1, 2022
- 1 min read
ni MC - @Sports | October 1, 2022

Isiniwalat ni dating WBO bantamweight champion John Riel Casimero na nakatakda siyang lumaban kontra sa beteranong Japanese boxer na si Ryo Akaho sa Disyembre.
Ginawa ni Casimero ang anunsiyo sa kanyang Facebook page. “Ito finally na talaga ang hinihintay ng lahat,” ayon sa hard-hitting native ng Ormoc na hindi na nakatuntong sa ring mahigit isang taon simula nang talunin nito si Guillermo Rigondeaux noong Agosto 2021.
Dapat ay ipagtatanggol ni Casimero ang korona ng WBO laban sa mandatory challenger na si Paul Butler ngunit nagkaroon ng mga isyu kaugnay sa weigh-in, na nag-udyok sa WBO na alisin sa kanya ang titulo.
Si Akaho ay isang beterano na may 39 na panalo, 2 pagkatalo na may 26 KOs. Sa kanyang pinakahuling laban, na-knockout niya ang Pinoy na si Edrin Dapudong.
Desidido si Casimero na makuha ang isang nakakakumbinsing panalo laban kay Akaho dahil ito ay maaaring humantong sa kanya sa isang shot laban sa WBA (Super), IBF at WBC bantamweight king Naoya Inoue. “Posibleng maglaban kami ni Naoya Inoue pagkatapos nito, kasi si Naoya Inoue last fight na lang daw niya tapos aakyat ng 122 so kailangan talaga nating matapos ang laban na ito para sa next fight ni Naoya Inoue,” wika ni Casimero.
Ang laban ay maaaring maganap sa alinman sa South Korea o Japan, aniya.








Comments