Cashless transactions, dapat gawin ng lokal na pamahalaan
- BULGAR
- 2 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 18, 2025

Sa panahon ng mabilis na teknolohiya at digital na serbisyo, nararapat siguro na ang ating mga lokal na pamahalaan ay sumabay na rin sa modernisasyon ng sistema ng pagbabayad.
Ito ang panawagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) — ang pagtanggap at paggamit ng electronic payment and collection systems (EPCS) para sa mga transaksyong pampamahalaan. Alinsunod ito sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para sa digital transformation ng gobyerno, batay sa Executive Order No. 170, s. 2022.
Sa inilabas na memorandum circular, hinikayat ng DILG ang LGUs na gamitin ang mga digital platforms sa paniningil ng buwis, bayarin, at iba pang lokal na singil.
Ayon sa kagawaran, ang paggamit ng EPCS ay makatutulong sa pagpapahusay ng transparency, efficiency, at convenience para sa mga mamamayan at kawani ng gobyerno. Bahagi rin ng panawagan ang pakikipagtulungan sa mga awtorisadong provider tulad ng mga government servicing banks upang masigurong ligtas at maayos ang mga payment channels.
Hindi lang dapat limitado sa koleksyon, kundi dapat ding magpatupad ang LGUs ng malinaw na sistema para sa issuance ng electronic invoices at billing notices kasunod ng mga alituntunin mula sa Commission on Audit (COA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Mahalaga ring maipaloob ang mga prosesong ito sa National Retail Payment System Framework at Data Privacy Act upang mapanatiling safe ang impormasyon ng publiko.
Gayunman, hindi pa rin mawawala ang tradisyonal na bayaran, dahil nilinaw ng DILG na kailangang tanggapin pa rin ng LGUs ang cash at ibang non-digital na bayad habang isinusulong ang digitalization.
Upang maging epektibo, hinihimok din ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa, at gumawa ng mga lokal na polisiya na magpapalakas sa implementasyon ng naturang sistema.
Ang pagsusulong ng digital payments sa lokal na pamahalaan ay hindi lamang modernong sistema — ito rin ay simbolo ng progresibong pamumuno. Sa pamamagitan nito, mapapalawak ang tiwala ng publiko sa gobyerno at mababawasan ang oportunidad para sa katiwalian at red tape. Isa itong hakbang na makatutulong sa pagiging mas bukas at makabagong serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.
Kung mamarapatin, ang bawat Pilipino ay may karapatang makatanggap ng serbisyo na mabilis, ligtas, at makabago. Sa tindi ng abala at oras na nasasayang sa mahabang pila at manual na proseso, marapat lamang siguro na gamitin ang teknolohiya para mas mapadali ang pamumuhay ng bawat mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires