top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Cash, motorsiklo, kotse at marami pang giveaway ang pa-birthday sa mga Pinoy

BULGAR
Sep 19, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 19, 2022


Sa darating na Setyembre 25 ay sasapit ang aking ika-66 taong kaarawan na punung-puno na pamamahagi bilang pasasalamat sa napakaraming biyaya at patuloy pang biyayang dumarating sa atin at sa ating buong pamilya.


Tulad ng dati, hindi naman natin pinipili na basta na lamang magsagawa ng malaking handaan at imbitahin ang mga tagasuporta kaibigan sa showbiz at pulitika dahil mas binibigyan nating prayoridad ang ating mga kababayang medyo kapos sa buhay.


Bukod sa Maykapal ay hindi natin dapat kalimutan ang ating mga kababayan na mula pa noong ako ay nagsisimulang mag-artista hanggang sa ako ay pumalaot na sa pulitika ay palaging naririyan at nagpapakita ng suporta.


Kung ako lamang ang tatanungin kung ano pa ang mahihiling ko sa aking kaarawan ay tila wala na maliban sa bigyan na lamang ako ng malakas na pangangatawan upang matulungan ko pa ang mas marami nating kababayan, partikular ang mga manggagawa, nurses, OFWs, senior citizen at lahat ng nangangailangan pa ng tulong.


Kaya bilang bahagi ng aking kaarawan ay nagsimula na tayo noong Biyernes para sa ating bloodletting activity na tinawag nating “DUGONG ALAY, PANDUGTONG BUHAY” na taun-aton nating isinagawa para makatulong sa mga nangangailangan ng dugo.


Bukod sa bloodletting ay nagkaroon din free medical mission at scholarship distribution, kaya umaga pa lamang ay dagsa na ang ating mga kababayan na dumalo sa Strike Gym sa Bacoor City at siyempre, kasama rin natin ang aking maybahay na si Cavite First District Representative Lani Mercado-Revilla na isa sa punong abala.


Nakibahagi rin si Agimat Representative Bryan Revilla, si Bacoor City Mayor Strike Revilla at ang kanyang vice-mayor na si Rowena Mendiola na nagbigay ng iba’t ibang level ng inspirasyon para sa mga kababayan nating naghandog ng kanilang dugo.


Sinimulan ko ang programang ito noong pang 2007, na kung bibilangin ay pang-13 bloodletting na ito na pansamantalang natigil ng dalawang taon dahil sa kasagsagan ng pandemya na siya na muna nating inuna.


Napakalaking tulong ng ganitong programa, lalo na sa mga kababayan nating matindi ang pangangailangan sa dugo, lalo na ‘yung mga malala na ang karamdaman na wala agad makunan ng donors ay talagang nakapagliligtas ng buhay.


Mahirap kapag dugo na ang problema, minsan kahit may pera ang pasyente ay walang mabiling dugo, ngunit dahil sa proyektong ito ay nakapagdurugtong tayo ng buhay sa abot ng ating makakaya.


Hindi na mabilang ang mga kababayan nating natulungan sa panahon na kailangang-kailangan nila ng dugo at ilan sa mga kilalang personalidad na natulungan ng ating proyektong ito ay sina: Dolphy, Vina Morales, TJ Cruz, Ogie Diaz, Francis Magalona, Jennifer Lee, Winnie Cordero at marami pang iba.


Kaya habang nabubuhay ako at may kakayahang isagawa ang proyektong ito ay taun-taon ko pa ring ipagpapatuloy at ngayong taong ito ay ka-partner pa rin natin ang ang Dugong Alay, Dugtong Buhay, Inc. sa pangunguna ng aking kaibigan na si Nap Marilag.


Sa kabila ng napakaraming tao ay kitang-kita rin ang pagsisikap ng Unihealth Sta. Rosa Hospital and Medical Center; Our Lady of Lourdes Hospital; at Chinese General Hospital and Medical Center na buong maghapong sumuporta sa proyekto.


Siyempre, hindi naman basta lamang magtatagumpay ang bloodletting na naganap kung wala ang mga partners nating palaging nakasuporta, tulad ng Frabelle Foods, Sovit Cee at iba’t ibang Rotary Clubs.


Hindi rin ako iniiwan ng mga regular nating donors taun-taon, tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Army (PA), Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy (PN),FRATERNAL ORDER OF EAGLES, AGIMAT RIDERS, Bacoor Barangay Representatives, Various Non-Government Organizations of Bacoor, Stuntmen friends at marami pang iba.


Kahapon naman araw ng Linggo, bilang bahagi pa rin ng ating kaarawan ay nagkaroon naman tayo ng “RELAX KA LANG, GROCERY MO SAGOT KO!”


na ginanap naman sa Robinsons Mainsquare, Bacoor City na dinumog din ng ating mga kababayan mula sa iba’t ibang lugar.


Nagkaroon ng mga contestant kasama ang kani-kanilang pamilya na binigyan natin ng pagkakataong makapag-grocery ng walang bayad at ang lahat ng kasayahang naganap sa grocery raid ay mapapanood n’yo sa aking You Tube.


Naging masaya rin ang bagong pakulong ito dahil napakarami na namang pamilya ang ating napasaya at naging masaya rin ang muling pakikilahok sa atin ng aking maybahay na si Rep. Lani na umalalay sa atin sa hosting sa buong programa.


Sa pagpasok ng panibagong linggong ito ay dapat na mag-abang ang ating mga tagasubaybay dahil marami pa tayong aktibidades, dahil tuluy-tuloy pa rin ang medical mission at scholarship distribution sa buong linggong ito at baka may iba pang sorpresa.

Higit sa lahat ay dapat na tutukan ang aming anunsyo para sa mismong araw ng aking kaarawan na ilalabas namin bago maganap dito at sa aking facebook account dahil bukod sa cash at 10 motorsiklo ay may kotse pa akong ipamimigay at marami pang iba. Abangan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page