top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Casares at Alcoseba, dekalibre ang tikas sa Nat'l Duathlon Clark

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 5, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 5, 2022



Lumitaw ang kalidad ng mga pambato ng Philippine National Triathlon Team sa matagumpay na pagwawakas ng 2022 National Duathlon Championships Linggo ng umaga sa New Clark City sa Capas, Tarlac.


Bumida sina Fernando Jose Casares at Raven Faith Alcoseba sa tampok na Sprint Category habang ang iba pa nilang kakampi ay umani ng karangalan sa iba pang kategorya.


Tinapos ni Casares ang pinagsamang 5 kilometrong takbo, 20 kilometrong bisikleta at 2.5 kilometrong takbo sa oras na 58:03, anim na segundong mas mabilis sa pumangalawang si John Leerams “Rambo” Chicano na 58:09. Pumangatlo ang isa pang Pinoy na si Maynard Pecson sa 58:13.


Sa panig ng kababaihan, kahit nawalan ng sapatos habang nagbibisikleta ay nagawa pa ng Cebuanang si Alcoseba na mauwi ang korona sa oras na 1:01:46. Iniwan niya si Louisa Middeditch ng Singapore (1:07:10) at Merry Joy Trupa (1:08:50).


Ang Sprint Category ang gagamiting batayan upang matukoy ang mga magiging kinatawan ng bansa sa 32nd Southeast Asian Games.


Ayon kay Triathlon Association of the Philippines (TRAP) President Tom Carrasco, nagpasya ang host Cambodia na ganapin ang Sprint Distance lang imbes sa mas mahaba at kinagawiang Standard Distance na 10 kilometrong takbo, 40 kilometrong bisikleta at limang kilometrong takbo.


Nagwagi ng gintong medalya sa Men’s Triathlon si Casares sa 31st SEA Games sa Vietnam habang tanso si Alcoseba sa kababaihan. Hindi pa tiyak kung ilalaban sila sa Triathlon muli o sa Duathlon subalit inihayag ni Casares na gusto niyang manalo ng dobleng ginto sa Cambodia.


Nagkaroon ng patikim sa kompetisyon sa SEA Games sa paglahok ng mga delegasyon mula Singapore at Malaysia. Tulad ng Pilipinas, ang katatapos na karera ang kanilang paraan upang piliin ang kanilang mga ipapadala sa Cambodia.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page