Carry over sa wta target mga karerista
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 14, 2021
Walang malaking karera ang magaganap ngayong araw pero tiyak na masisiyahan pa rin ang mga karerista na mangangarera dahil mga matitikas na kabayo at pang stakes races din ang mga nakasalang na ilalarga sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
May 14 na karera ang pakakawalan ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) at isa sa tututukan ng mga karerista ay ang carry over na P578, 154.82 sa winner take all na ilalarga sa pangalawang race.
Magtatagisan ng bilis ang 13 kabayo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System, ang nasabing karera ay simula ng winner take all.
Posibleng bebenta ng malaki sa takilya ang kalahok na si El Lider Maximo na sasakyan ni GL Siego, pero tiyak na walang solohan sa pili ang mga karerista sapagkat nais nilang maka isang puntos agad. "Tatlo, apat o kahit lima ang pipiliin ko maka isang puntos lang agad, baka matsambahan natin ang winner take all, may carry over pa naman," saad ni Lito Ladiana, veteran karerista.
Ayon pa sa ibang karerista, mapapalaban si El Lider Maximo kina Taipan One at magkakamping Shalom at Gensan Special.
Makikipagtagisan ng bilis si El Lider Maximo kina Happy Kid, Yabba Dabba Doo, Oakhill Princess, Bull Star Rising, Hot Ticket, Olympic Gold, Golden Buzzer, The Queen at Pilya.
May added prize na P15,000 na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta habang P5,000 pang karagdagang premyo ang hahamigin ng winning horse owner sa event na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Isa pang pag-aaralan ng mga karerista ay ang carry over din sa Pick 6 sa race 4 kung saan may walong kalahok ang pagpipilian.
Umabot sa P240,648.39 ang carry over sa Pick 6 ang tatargetin ng mga karerista, ang mga tatakbo sa karera ay sina Juliana's Gold, Monument, Doktora, Star Of Lucena, Iniki Runner, Lava Walker, Fire Council at Kristen Savings. Paniguradong magandang laban ang masisilayan dahil sa P100,000 na ikakalat sa apat na unang tatawid sa meta.
Samantala, maging ang Pick 5 ay may carry over din, paglalabanan ang P272,144.42 at sa unang karera ito magsisimula.





Comments