top of page
TALKIES - KAREN, PROUD NA PROUD NA NAKAUSAP SI ANGELINA JOLIE_FB Karen Davila.jpeg

CARMELLE, FIRST PINAY GRAND WINNER SA EUROVISION ASIA

Writer: BULGAR
BULGAR
9 minutes ago
4 min read

ni Beth Gelena @Bulgary | November 16, 2026



Carmelle Collado sa Eurovision

Photo: Carmelle Collado sa Eurovision



Hindi naging hadlang ang mga pagkatalo at mahabang paghihintay ng singer na si Carmelle Collado para maabot ang kanyang pangarap. Mula sa pagiging runner-up sa The Voice Kids Philippines (TVKP), pagsungkit sa kampeonato ng Tawag ng Tanghalan (TNT), hanggang sa makasaysayang pagkapanalo bilang kauna-unahang Pinay Eurovision Song Contest Asia Grand Winner na ginanap sa Bangkok, Thailand, kamakailan.


Pinatunayan ni Carmelle na hindi kailangang magmadali para lamang tanggapin ng iba ang kanyang talento.


Bitbit ang kantang Sobra-Sobra, tinalo ng Pinay singer ang mga kinatawan ng 10 iba pang bansang kalahok at nanguna sa pinagsamang professional jury at audience votes.

Hindi biro ang kanyang naging laban dahil kinailangan niyang makipagsabayan sa mga artists mula sa iba’t ibang bansa. 


Hindi nagpadaig si Carmelle at buong-husay na ipinamalas ang kanyang vocal ability at stage presence.


Lalong naging kahanga-hanga ang kanyang panalo dahil hindi lamang siya umasa sa suporta ng publiko. Nanguna rin siya sa professional jury voting.


Nakapagtala si Carmelle ng kabuuang 211 points, mula sa 93 points ng jury at 118 points ng audience votes.


Hindi nagsimula sa Eurovision ang musical journey ni Carmelle. Noong 2019, sumali siya sa 4th season ng TVKP at napasama sa Team Bamboo at umabot sa finals bilang 1st runner-up.


Noong 2025, ipinagpatuloy niya ang kanyang talento sa pagkanta nang mabigyan siya ng malaking pagkakataon sa TNT: The School Showdown, ang singing competition segment ng It’s Showtime, kung saan nasungkit niya ang kampeonato.


Naging bahagi rin siya ng Pinoy Big Brother (PBB) noong 2026, na nagbigay sa publiko ng pagkakataong mas makilala siya hindi lamang bilang singer kundi bilang isang personalidad.


Siya rin ang nanalo sa Philippine Selection Night noong August 30 para maging pambato ng Pilipinas sa Eurovision Asia. 


Napili ang kantang Sobra-Sobra.

May makabuluhang mensahe ang entry niya. Nakasentro ito sa women empowerment at pagpupugay sa mga kababaihang Pilipino.


After ng competition, ibinahagi ni Carmelle na malaking responsibilidad ang kanyang pagkapanalo dahil dala niya ang pangalan at talento ng Pilipinas sa isang international platform.


Well, sobra-sobra ang talento, tapang at determinasyong ipinamalas ni Carmelle para maiuwi ang karangalan sa Pilipinas.





Nag-usap na rin daw sila ng ex ng aktor…

YASSI, TODO-DIIN NA ‘DI THIRD PARTY SI ISSA SA HIWALAYANG JAMES-NADINE



HINDI pa rin inuurungan ng aktres na si Yassi Pressman ang pagtatanggol sa kapatid niyang si Issa laban sa mga alegasyong third party ito sa hiwalayan nina James Reid at Nadine Lustre.


Muling nilinaw ni Yassi na walang namamagitan kina Issa at James noong panahong pinagdududahan na ng publiko ang relasyon ng JaDine. Aniya, naging magkarelasyon lamang ang dalawa nang mahiwalay si James kay Nadine.

“Pero at that time po talaga, wala po talaga sila nu’n. ‘Di rin po talaga sila nu’n,” diin ni Yassi.


Naninindigan siya hindi lamang para sa kanyang kapatid kundi maging kay James dahil alam niyang naging maayos ang timing ng pagsasama ng dalawa.


“At the end of the day, I will always stand by my sister and stand by James kasi they came together at the time na everything was clear,” pahayag pa niya.


Hindi rin itinago ni Yassi na masakit para sa mga taong sangkot ang masasakit na komento ng mga netizens, lalo na kung nagmumula ang mga ito sa mga taong hindi naman alam ang buong kuwento.


“S’yempre, lalo na ‘pag ‘yung mga tao, sobrang hurtful (ng mga sinasabi),” sey ng aktres.


Nabanggit ni Ogie Diaz ang umano’y naging pag-uusap nina Yassi at Nadine, pero hindi na idinetalye ng aktres ang eksaktong nilalaman nito.


Nauwi naman sa mas magaan na usapan ang panayam nang tanungin siya kung sinabihan ba niya si Issa na siya muna ang magpakasal bago ang kapatid.

“Wala pong ganu’n,” natatawang sagot ni Yassi.


Inilarawan din niya ang relasyon nila ni Issa bilang malapit na magkapatid na puno ang suporta sa isa’t isa.


“We’re very close, and I think blessed po kami,” saad pa niya.





HINDI inaasahang aberya sa kanilang biyahe ang posibleng kaharapin ng celebrity couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera matapos silang maabutan ng malawakang flight grounding sa United States (US) habang nasa ere patungong Los Angeles.

Matatandaang namataan ang dalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Biyernes, Nobyembre 13, sakay ng Philippine Airlines flight PR 122 patungong Amerika, bago ipinatupad ng US Federal Aviation Administration (FAA) ang nationwide ground stop.


Ayon sa FAA, nagkaroon ng problema sa komunikasyon na nakaapekto sa ilang air traffic control centers, dahilan para pansamantalang ipahinto ang mga flight departure sa buong US bilang pag-iingat sa kaligtasan.


Ang good news, itinaas na ang nationwide ground stop matapos ang mahigit apat na oras na pagkaantala. Pinayagan namang magpatuloy sa kanilang destinasyon ang mga eroplanong nasa ere na nang ipatupad ang kautusan.


Sa update ng US Department of Transportation noong Nobyembre 14, mahigit 3,500 flights ang na-ground at mahigit 8,000 flight operations ang muling naisagawa matapos alisin ang restriction.


Ganunpaman, nagbabala ang mga awtoridad na posibleng magkaroon pa rin ng delays at cancellations habang unti-unting bumabalik sa normal ang operasyon ng mga paliparan.


Samantala, sinabi ng Philippine Airlines na patuloy nitong mino-monitor ang kanilang mga flight papunta at palabas ng Amerika at pinayuhan ang mga pasahero na tingnan ang kanilang flight status sa mga opisyal na communication channel ng airline.


Sa ngayon, wala pang kumpirmadong impormasyon kung naapektuhan ang mismong biyahe nina Dingdong at Marian o kung ano na ang lagay nila pagdating sa Los Angeles.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page