ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Sep. 19, 2024

DAMING ILLEGAL GAMBLING LORDS SA JURISDICTION NINA NPD GEN. GAPAS AT SPD GEN. ROSETE -- Sa jurisdiction nina Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Rizalito Gapas at Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Leon Rosete ay sangkaterba ang mga illegal gambling lord.
Kung sa jurisdiction ni NPD Director, Gen. Gapas ay lantaran ang operasyon ng mga raket na lotteng, EZ-2, bookies nina "Edmund" sa Caloocan City; "Mario Bokbok," " Atan," "Noel," "Ponga," "Lina Robles" sa Malabon City at "Leody" at "Judy" sa Navotas City, ay ganundin sa jurisdiction ni SPD Director, Gen. Rosete na lantaran ang mga ganitong uri ng illegal gambling nina "Haruta," "Joy," "Onie," "Deck," "Ricky," "PJ," "Allan," "Toto" at "Josie" sa Pasay City, Taguig City, Paranaque City, Makati City, Las Pinas City at Pateros, at may sakla pa ni "Walter" sa Muntinlupa City, boom!
XXX
FORMER PNP CHIEF NA PROTEKTOR NG POGO AT TUMULONG SA PAGTAKAS NI ALICE GUO DAPAT MAHUBARAN NG MASKARA -- Sa pagdinig sa Senado tungkol sa illegal POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) ay nabulgar na isang former PNP chief na may payola raw sa POGO ang tumulong kay former Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac sa pagtakas sa bansa.
Dapat mas paigtingin pa ng Senado ang imbestigasyon dito para mahubaran ng maskara at makilala ng publiko ang tiwaling ex-PNP chief na ito, period!
XXX
BAD IMAGE CARLOS YULO OUT, GOOD IMAGE EJ OBIENA IN, BILANG ENDORSER NG MILO PHILIPPINES -- Dahil sa bad image na nakita ng publiko tungkol sa kawalan niya ng respeto sa kanyang ina at pagtakwil sa buong pamilya niya, ay tinanggal na si 2 gold medalists gymnast Carlos Yulo bilang endorser ng Milo Philippines, at ang ipinalit sa kanya ay si pole vault athlete EJ Obiena na may good image.
Buti pa ang Milo Philippines ay ipinararamdam kay Caloy na dahil sa masamang ugali nito kaya siya tinanggal bilang endorser ng company, hindi tulad ng ibang kumpanya na tila kinukunsinti pa ang kawalan nito ng respeto sa ina at pagtakwil sa buong pamilya.
Para sa Milo Philippines, saludo sa inyo ang publiko, at para naman sa mga kumpanyang humahanga sa isang suwail na anak at nagtakwil pa sa buong pamilya, mga pwe!
XXX
POLITICAL DYNASTY ISA SA SANHI NG KAHIRAPAN NG ‘PINAS KAYA DAPAT ISA LANG SA BAWAT ANGKAN NG PULITIKO ANG IBOTO SA HALALAN -- Dahil sa rami ng mga magkakapamilyang pulitiko na sabayang kakandidato sa 2025 midterm election, ay nabuhay na naman at naging aktibo ang mga cause oriented groups para labanan ang political dynasty sa bansa, na ang panawagan ay isa lang sa bawat angkan ng pulitiko ang dapat iboto sa halalan.
Sana naman ay makinig ang mamamayan sa panawagang ‘yan, kasi sa totoo lang ay isa sa sanhi ng kahirapan ng bansa ay ang sangkaterbang political dynasty sa ‘Pinas, period!
Comentários