Carlos, kampeon ng Slam Dunk sa 3X3 Abu Dhabi World Tour
- BULGAR
- Nov 1, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 1, 2021

Kinoronahan si David Carlos ng Pilipinas bilang kampeon ng Slam Dunk Contest sa 2021 FIBA 3X3 World Tour Abu Dhabi Masters Linggo ng madaling araw sa Kaser Al Amwaj.
Inspirado ng maraming kababayang OFW na nanood, tinalo ng numero unong Pinoy pro dunker ang paboritong si Vadim Poddubchenko ng Ukraine para sa unang kampeonato sa World Tour makalipas ang apat na taon.
Lamang ng malaki sa mga hurado pagkatapos ng dalawang dunk, kinailangan lang ng 5’8” na si Carlos na maipasok ang isang dunk upang pormal na manalo subalit nagsugal at sinubukan niya tumalon sa apat na tao at nagmintis at nasaktan ang likod. Imbes na sumuko at bitiwan ang kampeonato, binawasan niya ng isa at tatlong tao ang nilundagan upang masemento ang tagumpay kahit muntik na magtala ng perpektong dunk ang 6’6” na si Poddubchenko sa huling dunk.
Ito ang unang kampeonato ni Carlos matapos gulatin ang mundo ng 3x3 at magwagi sa unang sabak sa 2017 Chengdu Masters. Pumangalawa din siya sa 2018 Penang Masters at 2019 Doha Masters at 3rd sa 2019 Jeddah Masters.
Mag-uuwi si Carlos ng $3,000 (P151,618) bagamat nag-empake na ang team ng Manila Chooks TM sa torneo. Nabigo ng dalawang sunod ang koponan sa Liman ng Serbia, 21-11, at Amsterdam ng Netherlands, 22-8, sa Grupo H noong Sabado. Nagtapos ang Manila sa 11th place.
Samantala, tututok na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Chico Lanete at Mark Yee sa pagbubukas ng Chooks To Go Pilipinas 3x3 President’s Cup. Inaasahan din nila na maimbitahan muli sa World Tour 2022 kung saan napipisil na mag-host ng isang yugto ang Pilipinas matapos hindi matuloy ang Manila Masters noong Agosto 2020.





Comments