top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Carino Epektibo sa panalo ng Azkals vs. Cambodia sa SEAG

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 4, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 4, 2023



Mga laro ngayong Huwebes – Morodok Techo

5:00 p.m. Indonesia vs. Myanmar

8:00 p.m. Timor Leste vs. Pilipinas


Binuhay mula sa tiyak na disgrasya ni Dov Anthony Carino ang Pilipinas at naisalba nila ang 1-1 tabla sa host Cambodia sa pagpapatuloy ng 32nd Southeast Asian Games Men’s Football Tournament Martes ng gabi. Malakas na inulo papasok ni Carino ang bola sa ika-92 minuto at biglang natahimik ang siksikang Morodok Techo National Stadium.


Naging magic bunot ni Coach Rob Gier ang produkto ng Ateneo de Manila sa UAAP at pumasok bilang reserba sa ika-70 minuto. Nagbunga ang stratehiya matapos lumamang ang Cambodia sa ika-26 minuto sa goal ni forward Ky Rina laban sa apat niyang bantay.


Nagdagdag ang reperi ng 5 minuto sa orasan at sapat ito para lumikha ng milagro. Naghatid ng palobong pasa si Harry Nunez sabay talon ni Carino at walang nagawa ang goalkeeper ng Cambodia Reth Lyheng.


Tila napikon ang host at pinilay si Justin Frias at nag-protesta ang Azkals na dapat ay pinalabas imbes na bigyan ng yellow card lang si defender South Nava. May pagkakataon na maagaw ng Pinoy ang panalo subalit hindi nakumpleto ang huling sipa ni Gavin Muens sa ika-96 minuto at pumito na ang reperi.


Dala ng resulta ay bibitbitin ito ng Azkals sa mahalagang laro nila ngayong araw kontra sa kulelat na Timor Leste sa parehong palaruan simula 8 p.m. oras sa Pilipinas. Isang panalo ang tutulak sa mga Pinoy sa apat na puntos kapantay ang Cambodia na magpapahinga.


Paglalabanan ng Myanmar at Indonesia ang maagang liderato sa Grupo A sa unang laro sa 5 p.m. Binigo ng Indonesia ang Azkals, 3-0, sa unang araw ng torneo noong Abril 29.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page