top of page

‘Carina’, dagok man ang trahedya, biyaya rin ng kapatiran

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 27, 2024
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 27, 2024


Fr. Robert Reyes

Nagsimula nang umulan ng malakas noong gabi ng nakaraang Martes. Nagawa pa naming magdaos ng kauna-unahang pulong ng Vicariate of Sto. Niño ng Diyosesis ng Cubao sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City. Nakadalo ang siyam na pari na kumakatawan sa pitong parokya. Isang parokya lang ang hindi nakapagpadala ng kinatawan.


Mayroon nang balita na parating ang Bagyong Carina, ngunit, hindi malinaw masyado kung anong klaseng unos ito. Hindi tanto ninuman kung gaano talaga kalakas ang parating na bagyo. Panatag na dumating ang mga pari at payapa kaming nagpulong. Bandang ika-9 ng gabi, tahimik kaming nagpaalamanan at nag-uwian.


Nakuha pa naming magdiwang ng misa ng ika-7 ng umaga kinabukasan. Malakas na ang ulan at kagulat-gulat ang pagdalo ng halos 30 parokyano. Pagkatapos ng misa, unti-unti nang lumakas ang ulan. 


Nagpasya tayong pumunta sa barangay upang kausapin ang kapitan. At doon natin nalaman ang bigat ng sitwasyon. Marami nang bahagi ng Barangay Bahay Toro ang lubog at umaabot na sa kritikal na lalim ng tubig na mangangailangan ng seryosong pagsagip. 


Nagpasya nang buksan ang isa sa dalawang barangay basketball court para gawing evacuation center. Humingi na rin ng tulong sa Philippine Navy ang kapitan para magpadala ng mga maliliit na bangka upang sagipin ang mga hindi na makababa sa mga bubungan ng kanilang mga tahanan. Ang bilis ng pagsama at paglala ng sitwasyon.


Nang dumating tayo sa barangay hall, nasumpungan natin si Kagawad Marisa Reyes na inanyayahan nating dalawin maski na isang sitio na lubhang naapektuhan ng Bagyong Carina. Nagtungo kami sa Sitio Sinagtala. Nang dumating kami roon, sinalubong kami ng mala-tsokolateng tubig na sinakop na ang buong daan at palalim nang palalim. Nasa labas ang mga residente na maraming naghihintay ng tutulong sa kanilang paglikas. Kuwento ng mga naroroon na lampas tuhod na ang tubig na aming nilalakaran. Sa bandang ibaba, may ilang nakatayo na sa kanilang mga bubong na nagmamakaawa na ilikas sila sa mga bangka. Pinayuhan namin ang ilang naroroon na lumikas na sa simbahan. Marami sa nakausap namin ay tumungo sa simbahan ng mga sumunod na oras.


Habang nalalaman natin ang tindi ng epekto ng Bagyong Carina sa mga residente ng Project 8, napasyahan nating gawing “command center” ang Our Lady of Perpetual Help. Agad-agad nating kinausap ang ilang maaasahang volunteer ng parokya na itayo ang “command center” sa “Café Jose,” ang dating kapihan sa tabi ng Parish Office. 


Bandang ika-11 ng umaga nang magtawag tayo ng sinumang parokyano na kailangang lumikas at naghahanap ng pansamantalang masisilungan. Inanyayahan natin ang mga ito na sumilong sa simbahan ng Ina ng Laging Saklolo. Bandang ika-12:00 ng tanghali, nagsimula nang dumating ang mga pamilyang naghahanap ng tuyo at ligtas na matutuluyan.


Mula nang binuksan natin ang command center ng parokya, nagsimula nang dumating ang mga donasyon na damit, pagkain at pera. Nang marami-rami na ang mga damit, dinala ang mga ito sa barangay. Tila isa ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa mga unang nakapagbahagi ng tulong at damit. Mabilis na naubos ang mga ito dahil marami sa mga dumating sa barangay ay basang-basa at kailangan ng damit na pamalit.


Mabilis na naging kusina para sa 300 ang kumbento. Nagluto kaagad kami ng hot meals (mainit na kanin at ulam) para sa 300 katao: 100 para sa mga nasa simbahan at 200 para sa evacuation center sa barangay. 


Nang mag-iika-5 na ng hapon, umabot na ng 24 pamilya na binubuo ng 94 indibidwal ang sumilong sa simbahan. Tuloy ang dating ng donasyon na damit, pagkain at pera. Tuluy-tuloy din ang pagluluto para sa mga nasa simbahan at para sa mga nasa barangay evacuation center dahil dumagsa na rin ang bilang ng mga lumikas.


Nang gabing iyon, napuno ang isang parte ng simbahan ng mahigit 100 lumikas. Patuloy ang pagluluto ng pagkain para sa higit 300 katao na rin. Patuloy din ang paghatid ng mga tuyong damit at hot meals sa barangay.


Bandang ika-10 ng gabi, nagpaalam na tayo sa mga nasa simbahan kung maaari na nating patayin ang ilang ilaw. Pumayag naman ang lahat at nagsimula na silang matulog.


Nang madaling-araw at medyo tumitila na ang ulan, nagsimula nang umuwi ang mga residente. Bandang ika-7 ng umaga, wala nang 60 na lumikas ang naiwan na nais ding magsimba. Humalo sa kanila ang karaniwang nagsisimba tuwing umaga. Sa ating omeliya, nagpasalamat tayo sa lahat na mga lumikas at naranasan ang simbahan na gawing tahanan, at sa mga parokyanong tumulong para sa kanilang pagkalinga at pagmamahal sa mga kapatid na biktima ng bagyo.


Sa bahagi ng pagbibigay ng pagbati ng kapayapaan, inanyayahan natin ang lahat na magbatian, kung maaari magyakapan bilang magkakapatid. Maluha-luha ang karamihan sa batian at ang ilan sa pagyakap sa kapwa, mayaman man o mahirap na kapatid.


Naging dagok ng trahedya man ang dala ng Bagyong Carina, salamat. Salamat din sa biyaya ng kapatiran at nawa’y patuloy na lumalim at tumibay pa sa mga darating na panahon. 

 


 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page