Cargo Movers, nakatakas sa dikdikang laban sa Speed Hitters
ni Gerard Arce @Sports | February 8, 2023

Mga laro sa Huwebes
(FilOil EcoOil Center, San Juan)
4:00 n.h. – Creamline Cool Smashers vs Cignal HD Spikers
6:30 n.g. – Petro Gazz Angels vs Choco Mucho Flying Titans
Naitakas ng F2 Logistics Cargo Movers ang pambihirang dikdikang panalo matapos matakasan ang masigasig na PLDT High Speed Hitters sa bisa ng deciding fifth set sa 25-22, 25-21, 14-25, 20-25, 16-14 sa 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagpakitang-gilas ang bagong manlalaro ng F2 Logistics na si Myla Pablo upang tulungan ang Cargo Movers na maitakas ang kauna-unahang five set na panalo matapos na maaga at mabilis na humataw ito para sa Cargo Movers sa unang dalawang sets kasunod ng mainit na paumpisa ng two-time conference MVP, tila hindi sumuko ang High Speed Hitters sa third at fourth set ng lumakas ang sagap ng mga atake at mahigpit na depensa upang madala sa tabla ang laro sa 2-2.
Parehong hindi nagpatinag sa fifth set ang magkabilang koponan na sabayang nagbitawan ng hatawan patungo sa 14-14 na iskor, subalit mas malaki ang pagnanais ng Cargo Movers na mabigyan ng panalo si coach Regine Diego sa unang salang nito ngayong kumperensya.
Humataw ang 29-anyos na dating National University Lady Bulldogs at Petro Gazz Angels outside hitter ng game high 21 puntos mula sa 20 atake at isang ace kasama ang siyam na digs at walong excellent receptions, habang nakatulong naman nito sa depensa si libero Dawn Macandili na lumikha ng double-double sa 35 digs at 10 excellent receptions,
Sumuporta sa puntusan si Kim Kianna Dy sa 17 puntos mula sa 16 atake, higit na ang mga importanteng banat sa deciding set., habang nag-ambag si Aby Marano ng 11pts.





Comments