Cancer cells, baka mabuhay uli… GARY V., ‘DI UBRANG MAGPA-STEMCELL

by Janiz Navida @Showbiz Special | September 9, 2026

Photo: IG _garyvalenciano
Parang hindi tumatanda ang nag-iisang Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano.
Pinansin namin ang pagiging young looking at makisig pa rin ng singer-performer sa ginanap na mediacon niya last Monday para sa kanyang pagbabalik sa Music Museum via his 10-day series of concert titled Back at the Museum na gaganapin on October 1, 3, 8, 10, 15, 17, 22, 24, 29 & 31, directed by Paolo Valenciano.
Diretsahan nga naming tinanong si Sir Gary V. kung nag-undergo na ba siya ng stemcell procedure dahil mukhang hindi nadaragdagan ang edad niya.
Sagot naman nito sa amin, “parang” lang daw na hindi siya tumatanda, pero ang totoo, kaya raw hindi siya gumagawa ng back-to-back concert ay dahil hindi na ito kaya ng katawan niya. At siyempre, ayaw naman daw niyang makita siya ng publiko na pagod na pagod at hindi okay ang hitsura.
At sa tanong kung nagpa-stemcell na siya, “No, I’ve not undergone any procedure whatsoever with regard to the face,” sagot nito.
Dagdag-paliwanag niya, “Also because I am a Type 1 diabetic, when period of healing has to happen, sometimes we don’t heal.”
Marami na nga raw pinagdaanang surgery sa katawan si Sir Gary at masuwerte siyang nag-heal naman ang mga operasyon niya.
Isa pa raw dahilan kaya hindi siya puwedeng magpa-stemcell ay, “I’m a cancer survivor. And from what I know, what’s dangerous with stemcell is that it is meant to regenerate cells. So if I do have cancer cells that are dormant, baka ma-regenerate ‘yun, then we’re back to square one.”
Pero kung magkakaroon daw ng transment sa stemcell research, baka puwede niyang ikonsidera, pero kailangan pa ring pag-aralang mabuti dahil nga sa health condition ni Mr. Pure Energy.
Anyway, masayang ibinalita ni Sir Gary V. na super excited na nga siya sa pagbabalik-concert sa mas maliit na venue tulad ng Music Museum dahil mas gusto niyang intimate ang concert at nakikita ang reaksiyon ng kanyang audience.
May mga bagong inihandang pasabog sa bawat gabi ng kanyang concert si Sir Gary, kaya kahit halos sunud-sunod ito, iba-iba pa rin daw ang experience.
Kasama ang kanyang pamangking si Frankie “Kakie” Pangilinan na anak nina Sen. Kiko Pangilinan at Megastar Sharon Cuneta sa Back at the Museum bilang front act, at talagang ipinagmamalaki ng misis ni Sir Gary na si Tita Angeli Valenciano na deserve ni Kakie ang spot sa concert dahil sa galing ng performance nito na dapat lang mapanood ng marami.
PIOLO, NAGPAGAWA NG MILYONES NA PAINTING KAY YUL PARA SA BAHAY
HINDI lang pala balik-acting ang award-winning actor na si Yul Servo, may bago rin siyang career bilang painter-artist.
Matagal naming nakapanayam si Yul after ng opening ng 6th annual Bilog exhibition sa SM Megamall nu’ng Lunes nang gabi. Isang painting ni Yul ang kasama sa exhibition, kaya naman naipakuwento namin sa kanya kung paano nag-start ang hilig niya sa pagpipinta at paggawa ng mga sculptures.
Bata pa raw siya ay mahilig na siyang mag-drawing, pero year 2016 lang niya sinimulan ang pagpipinta. Pero dahil busy pa noon bilang public servant ay hindi siya masyadong makapag-focus dito.
Pero nang matalo siya bilang vice-mayor ng Maynila last 2025, dito lang niya nabigyan ng time ang pagiging artist niya.
Natutukan niya ang sculptural painting at marami-rami na rin daw ang umoorder ngayon sa kanya like may malaking hotel, mga kaibigan, at in fact, maging ang long-time friend at kumpare niya sa 4 niyang anak na si Piolo Pascual ay nagpa-commission din daw sa kanya ng painting.
Kuwento ni Yul, nagkita sila ni Papa P. sa birthday party ng isa nilang common friend at du’n siya nag-sorry kay Piolo.
Sa mga ‘di nakakaalam, nagkaroon ng tampuhan ang magkaibigan dahil isa si Yul sa mga bumoto noon ng “No” para ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Kaya nang magkita sina Yul at Piolo sa birthday party, nag-sorry daw ang una at ang sabi na lang sa kanya ni Piolo, “‘Wag na nating pag-usapan ‘yun, tapos na ‘yun.”
At du’n nga niya inalok si Piolo na bumili ng painting niya. Hindi raw agad bumili si Papa P. kaya binigyan muna niya ito ng sample ng painting ng mga aso at nu’ng bumillib si Piolo, isinama siya sa resthouse nito sa Batangas at du’n nga ipinakita sa kanya ang malaking empty wall nito na gustong palagyan ng painting.
Hindi na sinabi ni Yul kung magkano ‘yung painting na ipinagawa ni Papa P., pero feeling namin, milyones ito dahil sa laki ng sukat.
Ikinatuwa ‘yun ni Yul dahil na-appreciate na ni Papa P. ang talento niya, naibalik pa ang friendship nila.
Kahapon (Martes) ay lumipad si Yul pa-Venice para sa Venice Filmfest dahil entry ang kanyang comeback movie na Makikiraan Po under Direk Lav Diaz. Balik-’Pinas siya on Sept. 13 pero muling aalis on Sept. 17 para naman sa art exhibit sa Vienna, Austria kung saan apat na artworks niya ang makakasama sa international exhibit.
Ang bongga ni Yul, tatahi-tahimik lang pero may iba na palang kina-career!
SETH AT FRANCINE, MAY FIRST KISS NA, AYAW NANG MAGHIWALAY
FINALLY ay naganap na nga ang first kiss nina Francine Diaz at Seth Fedelin!
Nangyari ito sa kanilang vertical micro-drama series na A Cake to Remember na napapanood sa iWant. Nag-premiere ito nu’ng August 28 at ang part 2 ay nu’ng September 4.
Pag-amin ng FranSeth love team, malaki ang tiwala nila sa kanilang home studio na ABS-CBN at ganu’n din sa Star Magic na humahawak ng kanilang career, kaya sa naturang project sila pumayag na magkaroon ng first kiss. At take note, first kiss nila ang isa’t isa!
Isa pa, tamang project daw ang A Cake To Remember para ru’n nga maganap ang kanilang first onscreen kiss.
Paninigurado naman ni Seth, “paninindigan” niya ang naturang kiss nila ni Francine, na ibig sabihin, kahit nagawa na nila ito ay mananatili ang respeto niya kay Francine at hindi siya magte-take advantage.
Pero kahit nag-level-up na ngayon ang relasyon ng dalawa bilang screen love team, hindi pa rin makapagbigay ng ‘label’ ang FranSeth sa tunay na relasyon nila.
Basta ang tiniyak ni Seth, napaka-special na tao raw ni Francine sa puso niya and vice-versa.
At kung ipa-partner sila sa iba o paghihiwalayin ang kanilang love team, hindi makasagot nang diretso sina Francine at Seth, pero nahalata naming ayaw nila. Hahahaha!
So, alam na, guys!





Comments