Cam Sur Express gigil na makauna sa NBL semis
- BULGAR
- Feb 21, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 21, 2024

Laro ngayong Miyerkules – Fuerte Sports Complex
6:30 p.m. Zambales vs. Cam Sur
Hahanapin ng host Cam Sur Express ang daan patungong 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Finals sa Game 1 ng best-of-three semifinals laban sa bisitang Zambales Eruption ngayong Miyerkules simula 6:30 n.g. Mabigat na paborito ang Express at hindi pa sila natatalo ngayong torneo sa tahanang Fuerte Sports Complex sa Bayan ng Pili.
Tinalo ng Zambales ang Cam Sur sa una nilang tapatan, 94-90, noong Disyembre 17 sa Villar Coliseum sa Las Pinas City. Malaking aral ang napulot ng Express sa pagkabigo at mula roon ay nagwagi sa sumunod na anim na laro na ang huli ay isang matinding 110-53 pagbawi sa Eruption noong Pebrero 11 sa Duenas Gym sa Taguig City.
Aasa muli ang Cam Sur kay Joshua Irvin Ayo, Kyle Philip Domagtoy, Jayson Orada at Pete Andrei Rito na mahusay ang ipinakita sa dalawa nilang laro. Isa pang dapat abangan ay si Verman Magpantay na kahit mababa ang numero niya kontra Zambales ay umaangat ito kapag naglalaro sa harap ng kanyang kapwa-Bikolano.
Para sa Eruption, malaki ang nakapatong sa balikat ni Lyndon del Rosario na numero uno sa NBL-Pilipinas pagdating sa puntusan. Matapos magsabog ng 35 sa unang laro, nalimitahan siya sa anim lang kaya mahalaga na matulungan siya nina Ian Elbancol, Charles Gloria at Frankie Dorde.
Ang Game 2 ay nakatakda ngayong Biyernes sa parehong palaruan at oras. Kung kailangan, ihahayag ang lugar at petsa ng Game 3. Pasok na sa best-of-five finals ang defending champion Taguig Generals at naghihintay na lang ng makakalaro. Winalis ng Generals ang La Union PAOwer, 2-0, noong Enero, 2023 para sa korona.








Comments