top of page

Cam Sur Express finalist na sa NBL-Chairman's Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 26, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | February 26, 2024



ree


Walang-awang dinurog ng Cam Sur Express ang bisitang Zambales Eruption, 100-74, at pumasok sa finals ng 2023-2024 National Basketball League (NBL-Pilipinas) Chairman’s Cup Biyernes ng gabi sa punong Fuerte Cam Sur Sports Complex sa Bayan ng Pili.  Nagwagi rin sa Express sa unang laro ng seryeng best-of-three noong nakaraaang Miyerkules, 84-71.


First quarter pa lang ay sinikap ng Express na wakasan agad ang usapan at humarurot sa 37-15 lamang.  Inilatag nina Raymart Aquino, Alexander Lim at Jayson Orada ang pundasyon at ipinasok si Joshua Ayo na bumira ng tatlong three-points at hindi na nakabawi ang Eruption. 


Dumagdag ng dalawa pang pandiin na tres si Ayo sa second half patungong 21 puntos at mahirang na Best Player.  Sumuporta ng todo sina Orada na may 16, Aquino na may 12 at Lim na may 10 puntos. 


Ito na ang ika-walong sunod na tagumpay ng mga Bikolano buhat pa noong elimination round at hindi pa sila natatalo ngayong 2024.  Ang huli nilang pagkabigo ay natikman noong Disyembre 17, 2023 laban sa Zambales, 94-90 sa Villar Coliseum sa Las Pinas City. 


Naglaro ng walang pahingang 48 minuto si Lyndon del Rosario para sa Zambales at nagtapos na may 20 puntos subalit hinanap ang tulong ng mga kakampi.  Tanging si Frankie Dorde ang may higit 10 puntos sa kanyang 12. 


Ito ang unang pagkakataon na maglalaro ang Cam Sur sa finals at haharapin nila ang naghihintay na defending champion Taguig Generals sa seryeng best-of-five. Nakakuha ng libreng tiket ang Generals matapos ihayag ng Muntinlupa Chiefs na hindi na sila maglalaro sa semifinals. 


Nagwagi ang Cam Sur kontra Taguig sa nag-iisa nilang salpukan ngayong torneo, 99-88, sa Fuerte noong Enero 19.  Ito ang nag-iisang talo ng Generals sa elimination.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page