top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

BYB Kapatagan, 4-0 na vs. Pagadian sa VisMin Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 30, 2021
2 min read

ni Gerard Arce - @Sports | November 30, 2021




Sinuwag ng BYB Kapatagan Buffalos ang ikaapat na sunod na panalo nang pataubin ang hometown bet na Pagadian City Explorers sa bisa ng 69-62, kagabi sa pagpapatuloy ng elimination round ng 2nd conference ng Pilipinas CTG Vis-Min Cup Mindanao Challenge sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.


Matapos itarak ng Kapatagan Buffalos ang biggest lead sa laro sa 13-puntos sa third quarter sa 50-37 mula sa jump shot ni Garexx Puerto, paunti-unting tyinaga ng host team na maibaba ang kalamangan sa pamamagitan ng 21-9 blast sa 58-59 sa nalalabing 3:13 ng fourth period.


Nagtulong-tulong sina Judel Fuentes, Nino Ibanez, Jezjreel Acaylar, at Keanu Caballero para bigyang pag-asa ang Pagadian na ipanalo pa ang laban na isang beses lang nakalamang sa laro sa 2-0 sa first period.


“Puso ang sandalan namin. Ayaw ng mga players magpatalo tapos 'yung mga veterans ko tinuturuan 'yung mga rookie na relax lang,” wika ni Kapatagan head coach Jaime Rivera.


Hinirang na best player of the game si Kin Devone Ariar na umariba ng double-double sa 11pts, habang nanguna si Mark Daanoy sa 12 pts at tig-10pts sina Richard Kwong at Joel Sollano, samantalang pinagharian nina Edrian Lao at Jonel Bonganciso ang rebounding at may tig-9 na puntos.


Nanguna si Glenn Acaylar sa puntusan para sa Explorers na may 12 at 5 rebounds, habang si Ibañez ay may 10 points. Nalimitahan ang leading scorer ng Pagadian na si Judel Fuentes sa 7 puntos lang.


Magtatapat ngayong araw ang ang Globalport Z Valientes MisOr at Roxas Vanguards sa unang laro ng 4 p.m. na susundan ng cellar-dweller na Iligan City Archangels at defending Southern champion na Basilan BRT Peace Riders sa alas-6:30 ng gabi.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page