top of page
Search
  • BULGAR

Butler, Giannis, Booker at Burks, 'di sumusuko

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 15, 2021




Wala pa ring hari sa NBA Eastern Conference matapos antalain ng Miami Heat ang koronasyon ng Philadelphia 76ers, 106-94, kahapon sa American Airlines Arena. Susubukan ng 76ers (47-23) na makamit ang numero unong puwesto sa kanilang magkasunod na laro kontra sa bisitang Orlando Magic sa darating na Sabado at Lunes, ang huling araw ng regular season.

Ipinakita ng Heat (39-31) na hindi nila basta isusuko ang kampeonato ng East at umabot ng 26 ang kanilang lamang sa unang minuto ng fourth quarter, 93-67. Nanguna sa atake sina Jimmy Butler na may 21 puntos at reserba Tyler Herro na may 18 puntos buhat sa apat na tres.

Sa gitna ng talo ng 76ers, humihirit pa ang Milwaukee Bucks para maging numero uno sa East at winalis ang Indiana Pacers, 142-133, at umakyat sa 45-25. Walang nakapigil kay MVP Giannis Antetokounmpo sa kanyang 40 puntos at 15 rebound para sa Bucks na numero uno sa East noong 2020 sa kartadang 56-17.

Lumapit ang Phoenix Suns sa liderato ng Western Conference at buong NBA matapos takasan ang Portland Trailblazers, 118-117, sa likod ng dalawang free throw ni Devin Booker na may 2.4 segundo sa orasan. Umakyat ang Suns sa 49-21, isang laro ang hahabulin sa Utah Jazz na 50-20.

Sumabay sa tagumpay ng Heat ang New York Knicks na binigo ang San Antonio Spurs, 102-98, at manatili silang tabla sa 39-31 para sa ika-lima at ika-anim na puwesto sa East. Double-double si Alec Burks na 30 puntos at 10 rebound at sinundan ni Julius Randle na may 25 at RJ Barrett na may 24 kasama ang pandiin na dalawang free throw sa huling 1.8 segundo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page