top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Butler, Embiid, Jokic, bumida

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 28, 2021
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 28, 2021






Bumalik mula sa walong larong pagliban si Jimmy Butler at agad naging susi sa 93-83 panalo ng Miami Heat kontra sa bisitang Orlando Magic sa NBA kahapon mula sa FTX Center.


Nakamit ng Heat ang ika-21 panalo sa 34 laro sa gitna ng dami ng manlalaro nito sa nagbubuno sa sakit o pilay.


Gumawa ng 17 puntos at 11 rebound si Butler na naghilom na ang pasa sa kanyang likod. May 17 puntos din ang reserbang si Caleb Martin habang nagtala si rookie sentro Omer Yurtseven ng 16 puntos at 15 rebound.


Nanatili sa ikatlong pwesto sa Eastern Conference ang Chicago Bulls sa bisa ng kanilang 113-105 pagwagi sa bisitang Indiana Pacers para sa kartadang 20-10. Bumida si Zach LaVine sa kanyang 32 puntos at sinundan ni DeMar DeRozan na may 24 habang hindi naglaro dahil sa health protocol si Lonzo Ball, ang huling Bull na perpekto at hindi lumiliban ngayong taon sa unang 29 laro.


Walang sagot ang kalaro sa paghalimaw ni Joel Embiid at wagi ang Philadelphia 76ers sa Washington Wizards, 117-96, sa tapatan ng dalawang koponan na nasa gitna ng karera sa East. Nagtala ng 36 puntos at 13 rebound si Embiid at tinulungan ni Tobias Harris na may 23 puntos.


Nasayang ang unang laro ng Los Angeles Clippers sa Crypto.com Arena na dating Staples Center at nanaig ang bisitang Denver Nuggets, 103-100, sa likod ng 26 puntos at 22 rebound ni MVP Nikola Jokic. Ipinasok ni Jokic ang dalawang free throw na may 12 segundong nalalabi at nagmintis ang tres ni Brandon Boston sabay sungkit ng rebound ni Jokic kasabay ng huling busina.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page