Butler at Curry, mga astig; 41 ni Nowitzki, retirado na
- BULGAR
- Nov 20, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 20, 2021

May mga bagong koponan na umangat sa NBA Eastern Conference matapos talunin ng Miami Heat ang bisitang Washington Wizards, 112-97, kahapon sa FTX Arena. Ito na ang ika-apat na sunod ng Heat para sa kartadang 11-5 upang pumantay sa nagpapahingang Brooklyn Nets at lundagan ang dating numero unong Wizards na bumaba sa 10-5 at ikatlong puwesto kasama ang Chicago Bulls.
Dinomina ng Miami ang laro simula 2nd quarter at hindi na bumitaw sa likod ng 32 puntos ni Jimmy Butler at sinundan nina Bam Adebayo na may 20 at Gabe Vincent na may 18. Kinapos ang 30 puntos ng astig na si Bradley Beal para sa Wizards.
Nagreserba ng lakas ang bisitang Golden State Warriors para sa 4th quarter upang mapahiya ang Cleveland Cavaliers, 104-89. Walang nakapigil kay Stephen Curry na ipinasok ang 20 ng kanyang 40 puntos upang mabura ang 81-68 lamang ng Cavs at limitahan sila sa 8 puntos lang.
Samantala, pararangalan ng Dallas Mavericks ang kanilang alamat na si 2007 MVP Dirk Nowitzki sa pag-retiro ng kanyang numero 41 sa darating na Enero. Sasamahan niya sina Derek Harper (12), Brad Davis (15) at Rolando Blackman (22) at wala nang Mavs ang makakagamit ng kanilang mga numero.
Binuksan ni Curry ang 4th quarter sa 13 ng 17 puntos ng Warriors para maagaw ang lamang, 85-81. Kahit saglit nagbanta ang Cavs, 86-88, sinagot ito ng pito pang puntos ni Curry kasama ang malaking tulong nina Juan Toscano-Anderson at Damion Lee upang tuluyang patahimikin ang kalaro.
Samantala, unti-unti na rin ang pagbawi ng Utah Jazz at tagumpay sila sa bisitang Toronto Raptors, 119-103, sa likod ng matibay na laro nina Donovan Mitchell, Rudy Gay at Jordan Clarkson sa fourth quarter. Nanguna sina Mitchell at Gay na parehong may 20 puntos habang 16 puntos si Royce O’Neale.
Sa iba pang laro, nagtala ng mga madaling panalo ang Minnesota Timberwolves sa San Antonio Spurs, 115-90, at Memphis Grizzlies sa Los Angeles Clippers, 120-108.





Comments