Butas na batas, equals talamak na korupsiyon
ni Ka Ambo - @Bistado | September 05, 2021
Aktuwal ng nagkakampanyahan sa 2022 election.
Inuulit lang ng mga Pinoy ang ginawa ng India!
◘◘◘
KATAKOT na ang ebidensiya laban sa korupsiyon sa pamahalaan.
Lumang balita na ‘yan!
◘◘◘
NAKABAON mismo sa Konstitusyon ang iskema ng korupsiyon.
May butas ang batas, mahina ang istruktura ng Konstitusyon!
◘◘◘
ANG check and balance sa probisyon ng Konstitusyon ay teorya lang, hindi umiiral at walang ngipin.
Ang co-equal power ng tatlong haligi ng Republika ay aktuwal na hindi equal o balanse!
◘◘◘
SUPER president ang chief executive imbes na normal president batay sa “law book”.
Higit na makapangyarihan ang executive kaysa legislative at judiciary imbes na pantay sila!
◘◘◘
ANG pagpapatalsik sa dalawang magkasunod na chief justice ay repleksiyon at ebidensiya na agrabiyado o naapi ng magkakutsabang lehislatura at ehekutiba ang hudikatura.
Ang pork barrel scheme tulad ng DAP ay ginagamit ng ehekutibo upang kontrolin at diktahan ang lehislatura sa kanyang kapritso.
Kinukunsinte ng Konstitusyon ang pag-abusong ito ng super-pangulo!
◘◘◘
ANG media at political analyst ay naiimpluwensiyahan ng pulitika kaya’t palpak at dispalinghado ang opinyon.
Walang alam at mangmang ang mainstream media na nakanganga lamang sa inutil na opinyon ng mga inaakala nilang eksperto sa akademya!
◘◘◘
LIPAS na ang aklat na ginagamit sa akademya na isinulat daan-daan taon na ang nakararaan.
Hindi na ito angkop sa modernong panahon, pero paulit-ulit pa ring binabalikan at pinagbabatayan sa mga argumento at debate!
◘◘◘
KAHIT ang mga nakapuwesto sa gobyerno ay patuloy na magnanakaw at magnanakaw.
Ang kayamanan mula sa nakaw sa gobyerno ay hinahangaan sa Pilipinas imbes na isumpa at iwasan!
◘◘◘
IBINOBOTO pa rin ng mga tao ang mga pulitiko.
Partikular ang mga incumbent kahit alam nilang ninakaw lang sa gobyerno ang pondo na ginagamit sa kampanya!





Comments