Bumomba ng 71 puntos si Mitchell sa overtime para sa Cavaliers
- BULGAR
- Jan 4, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 4, 2023

Nagsulat ng bagong kasaysayan si Donovan Mitchell ng Cleveland Cavaliers at bumomba siya ng 71 puntos sa 145-134 nilang panalo sa overtime kontra sa bisitang Chicago Bulls sa NBA kahapon sa Rocket Mortgage FieldHouse.
Sa gitna ng bagong karangalan ni Mitchell ay itinala ng rumaragasang Brooklyn Nets ang ika-12 sunod na tagumpay at pinaluhod ang San Antonio Spurs, 139-103.
Sadyang iminintis ni Mitchell ang free throw at sinungkit ang rebound para sa buslo na nagtakda ng overtime, 115-115, at 3 segundo sa orasan. Doon pa lang ay nilampasan niya ang dating marka ng prangkisa na 57 puntos na unang naabot ni Kyrie Irving noong Marso 12, 2015 laban sa Spurs at pinantayan ni LeBron James kontra sa Washington Wizards noong Nob. 3, 2017.
Sa OT ay nagtrabaho si Mitchell para sa 13 ng 15 puntos ng Cavs. Kumuha ng tulong kay Jarrett Allen na may 21 at reserbang Cedi Osman sa 19 puntos.
Ito na ang ika-12 beses na may manlalarong nagtala ng 70 o higit na puntos sa NBA.
Ang minsan dumalaw sa Pilipinas na si Mitchell ang ika-pitong kasapi ng natatatanging listahan na pinangungunahan ni Wilt Chamberlain na anim na beses gumawa ng ganoong kadami – kasama ang 100 noong Marso 2, 1962 – at sina Kobe Bryant (81), David Thompson (73), David Robinson (71), Elgin Baylor (71) at Devin Booker (70).
Samantala, nagtala si LeBron James ng 43 puntos at 11 rebound upang hatakin ang Los Angeles Lakers sa 121-115 tagumpay sa Charlotte Hornets. Ginulat ng Minnesota Timberwolves ang numero uno ng Western Conference Denver Nuggets, 124-111, sa likod ni Anthony Edwards na may 29 puntos at 10 rebound.





Comments