Bukod sa P85 na hinarang... P60 pa dagdag-sahod sa NCR — DOLE

ni Mai Ancheta @News | September 9, 2026

Photo: File
May panibagong dagdag-sahod para sa mga arawang manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ito ay matapos aprubahan ng Department of Labor and Employment NCR Wage Board ang P60 dagdag-sahod sa mga minimum wage earners sa NCR sa pamamagitan ng Wage Order 28.
Bukod pa ito sa P85 na umento sa sahod sa ilalim ng Wage Order No. 27 na hindi pa naipatutupad matapos kuwestiyunin sa korte.
Ang P60 dagdag-sahod ay kinumpirma ni Labor Secretary Francis Tolentino sa kanyang pagdalo sa budget deliberation sa Kamara kaugnay sa tinatalakay na panukalang 2027 national budget.
Sinabi ni Tolentino na kailangang humanap ng paraan ang wage board upang matugunan ang pangangailangan ng mga manggagawa na patuloy na naghihintay sa kanilang umento sa sahod.
Ang Wage Order No. 28 ay inaprubahan ng wage board nitong Lunes, September 7, 2026.
Matatandaang naunsiyami ang implementasyon ng P85 na umento sa sahod nitong buwan ng Hulyo dahil kinuwestiyon ito ng ilang pribadong grupo sa korte.
Dalawang beses sana ibibigay ang umento sa sahod—P60 noong Hulyo at P25 sa Enero 2027, subalit hindi na naramdaman ng mga arawang manggagawa.





Comments