Buhay na tunay: Walang luho, payak!
- BULGAR

- Sep 8
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 8, 2025

Taga-Abra, GI o Genuine Ilokano siya at malamang kuripot at mahigpit sa pera. Pero hindi pala, simple at hindi kuripot si Nanay Memay Estellore, isa sa pinakaunang nagpakilala at tumanggap sa akin sa dating parokya ko ng San Isidro Labrador sa Pinyahan, Quezon City.
Sa pananamit at pag-uugali, walang arte, simple ngunit elegante si Nanay Memay. Malapit lang ang kanyang bahay sa parokya kaya madalas niya akong anyayahang kumain doon. At ano ang madalas na ihain niya sa akin? Ulo-ulo o sinigang na ulo ng salmon. Habang hinihigop namin ang sabaw at kinakain ang gulay at mga maliliit na hiwa ng salmon, kasabay nito ang masasayang kuwentong nagpapaalat, nagpapatamis o nagpapaanghang sa pagkain.
Para sa isang kura-paroko malaking bagay ang maimbitahan sa tahanan ng kanyang parokyano. Una, mahalagang pagkakataon ito na makilala ang iyong parokyano. Pangalawa, banal na pagkakataon ding maipakilala at makilala pang higit ang Panginoon sa mga parokyano sa tuwirang paraan ng kuwentuhan at pagbabahagi ng panahon at pagkakaibigan.
Naalala natin ang pinakaunang kura-paroko ng UP Diliman na si Padre John Delaney. Walang sariling cook at kusina sa kumbento si Padre John. Ngunit meron siyang “meal secretary” na nag-iiskedyul kung saan siya kakain ng agahan, tanghalian at hapunan araw-araw. Totoong malaking tipid ngunit hindi iyon ang pangunahing dahilan kung bakit nilikha ni Padre Delaney ang ganitong sistema. Nais niyang dalhin si Kristo sa bawat tahanan at nais din niyang iuwi si Kristo mula sa bawat tahanang kanyang nakaulayaw ang Panginoon.
Sa mga nagdaang araw, magugulat na lang tayo at mag-aabot na lang si Nanay Memay ng envelope na may lamang donasyon ng iba’t ibang halaga. “Para saan ito Nanay,” tanong natin sa matanda. Tatawa na lang ito at magsasabing, “Para sa ulo-ulo.” Hindi pala kuripot ang matandang Ilokano. Mapili lamang siya sa kanyang pagbabahaginan ng pagpapala ng Diyos.
Ganoon din ang ginawa niya para kay Reberendo Arvin Zarsata na naglilingkod bilang seminarista sa Parokya ni San Isidro sa ilalim ni Padre Arvie Bello.
Napakiusapan si Nanay Memay ni Padre Arvie na suportahan si Arvin sa kanyang pag-aaral sa seminaryo. Hindi nagdalawang-isip si Nanay Memay at mula noon hanggang sa matapos sa pag-aaral si Arvin, hanggang sa naordenahang diyakono ito noong nakaraang Marso, sumuporta at tumulong ng abot-kaya si Nanay Memay.
Pumanaw si Nanay Memay bandang alas-5:30 ng hapon noong nakaraang Setyembre 3, 2025. Nasa 88-taong gulang si Nanay Memay, ang akala nating kuripot na Ilokano ay matulungin at bukas-palad.
Hindi mayaman si Nanay Memay, hindi siya “contractor,” hindi siya “pulitiko.” Hindi natin alam kung gaano kalaki o kaliit ang kanyang ipon ngunit hindi ito mahalaga. Ang mahalaga ay hindi siya tumigil sa pagtulong at pagbabahagi niya. Marahil, ito ang dahilan kung bakit walang luho, walang pagmamalabis sa anumang paraan si Nanay Memay. Isang napakagandang halimbawa ng kabanalan ng kapayakan sa gitna ng iskandalo ng luho na laganap na laganap sa ating bansa.
Ibang-iba si Nanay Memay sa maraming lumalangoy sa luho at rangya. Sa biyaya at pagpapala ng Diyos siya lumulusong at nagbababad. Hindi ba ito ang dahilan ng ating buhay, ang tuklasin ang tunay na kayamanan at talikuran ang mga huwad na kayamanan at kasiyahan.
Puno ang daigdig ng huwad na kayamanan tulad ng kapangyarihan at salapi. Ito ang lumulunod sa karamihan ng mga namumuno sa atin. Sayang at sa halip na maging halimbawa ang Pilipinas ng pananampalataya sa buhay at bumubuhay na Diyos, isa tayo sa kinikilalang pinakakorup na bansa sa bahaging ito ng daigdig.
Salamat sa mga munti’t maliliit na parokyano, mananampalatayang tulad ni Nanay Memay, hindi lubos na madilim ang himpapawid. Maningning na maningning ang mga munting bituin sa gabing madilim. Hindi maninimdim silang umaaninag sa liwanag ng mga liwanag, silang hindi nilamon ng luho at rangya sa halip laging busog sa pagkaing hindi mauubos, laging pawi ang uhaw sa tubig na hindi matutuyo. Ito ang iskandalo ng luhong kumukulong at ang pagpapala ng payak na nagpapalaya.








Comments