'Buhay ka, Isabela', handang umagapay sa mga may cancer
- BULGAR
- Aug 18, 2024
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 18, 2024

Taong 2007, Hong Kong.
Nasa 17 taon na ang nakararaan, araw ng Linggo, sa mga kalye ng Central, pasilyo ng World Wide House, sa malawak na lobby ng HSBC, sa harapan at looban ng St. Joseph Church, sa Victoria Park at sa iba’t ibang lugar pampubliko ng Hong Kong matatagpuan ang makapal na pagtitipon ng mga overseas Filipino workers (OFW). Ano ang kanilang ginagawa? Kung anu-ano mula sa paghahabol ng pahinga at tulog, sa mga nagkukuwentuhan at nagkakainan ng kanilang paboritong pagkaing Pinoy, sa mga nagbebenta para may mapagkikitaan, sa iba’t ibang sekta na nanghihikayat ng mga bagong kaanib, sa lahat ng uri ng barkadahan at samahan mula sa mga magkakababayan o mga magkakasarian o magkakakulay o kakampi sa pulitika, naroroon sa paligid ng Hong Kong ang kinatawan ng masang Pilipino na naghahanap ng kanilang kapalaran sa isa sa maraming bansa na maaaring maging susi sa kanilang pag-ahon sa kahirapan.
Dito natin nakilala ang mga unang kaibigang OFW na siyempre karamihan ay babae. Dito nabuo ang iba’t ibang inisyatibo mula sa grupo ng mga “Cancer Survivors” hanggang “Lakbay-Dangal”, ang grupo ng mga interesado sa “Local History, Culture, Art” ng Hong Kong na may kinalaman sa kasaysayan ng mga sinaunang Pilipino.
Matagal-tagal na rin nating nilisan ang Hong Kong. Halos 20 taon na rin nang magtapos ang ating kontrata sa Asian Human Rights Commission, isang NGO na nagsusulong ng karapatang pantao sa iba’t ibang bansa sa Asia.
Makabuluhan at puno ng hamon ang trabaho sa naturang NGO, ngunit ang gawaing iniwanan at inakalang wala na ay buhay pa at unti-unting lumalaganap. Ito ang grupong Buhay Ka (Buo, Bukas, Laging Handang Umalalay sa Kapwa), ang cancer support group ng mga OFW sa Hong Kong.
Nang umalis tayo ng Hong Kong, nagpatuloy pa rin ang Buhay Ka at nanganak ito ng Buhay Ka, Isabela, Buhay Ka, Cubao at Buhay Ka, Japan. Hindi marami ang kasapian ng bawat sangay ng naturang grupong Pinoy, ngunit hindi mahirap kumalap ng mga miyembro dahil sa rami ng mga nagkakasakit ng kanser.
Nakatutuwa ang Buhay Ka, Isabela, ang grupo ng mga “Cancer Survivors” sa Santiago, Isabela. Bagama’t marami-rami na rin ang mga kasaping bumalik sa Panginoon, buhay na buhay at masiglang-masigla pa rin ang mga kasalukuyang kaanib ng naturang support group ng mga Pinoy na lumalaban sa kanser.
Nabuo ang Buhay Ka, Isabela noong Agosto 16, 2014. Salamat kina Dr. Bong Sarabia, Mathie Puruganan at mga kasama, buhay at masigla pa rin ang nasabing samahan. Kaya anumang layo, dumating tayo noong madaling-araw ng Biyernes sa Santiago, Isabela para makipagpulong at magmisa para sa mga kasapian ng naturang cancer support group.
Nagkaroon tayo ng maikling pulong sa umaga ng ilang miyembro ng Buhay Ka, Isabela, sampu ng grupong Buhay Ka, Hong Kong at Buhay Ka, Japan sa pamumuno nina Arleen Belen at Filipa Bravo.
Kinamusta natin ang kalagayan ng Buhay Ka, Isabela. Nakatutuwang malaman na patuloy ang pagtulong sa mga mahihirap at naghihikahos na kasapi ng samahan. Salamat sa mga kaibigang doktor sa pangunguna ni Dr. Bong de la Cruz, natutulungan ang mga kababayan nating kapuspalad na may kanser.
Naalala ng mga nasa pulong ang pagdalaw ng Buhay Ka, Isabela sa Hong Kong. Tuloy, pinag-usapan ang posibilidad ng pagbisita ng mga naroroon sa Japan upang dalawin ang Buhay Ka, Japan. Napag-usapan din kung paano mas pagandahin at ayusin pa ang iba’t ibang gawain ng grupo partikular na ang “cancer awareness campaign” at ang “psycho-spiritual healing program” para sa lahat ng miyembro.
Sa ganap na ika-5 ng hapon, nagdaos tayo ng misa ng pasasalamat para sa 10 taon ng Buhay Ka, Isabela sa simbahan ni San Francisco ng Assisi sa Barangay Rizal, Santiago, Isabela. Nang matapos ang misa, halos wala ng oras para dumalo sa munting salo-salo dahil ang nakuha naming bus para umuwi ng Maynila ay aalis ng Santiago sa ganap na alas-7:00 ng gabi. Halos balikan lang kami ng mga taga-Buhay Ka, Japan.
Gayunpaman, masaya kaming umuwi dahil nakita namin na buhay na buhay ang samahan ng dating takot na takot sa sakit na kanser. Lagi naming paalala sa isa’t isa na hindi katapusan ng buhay ang pagkakaroon ng kanser. Sa mahiwagang paraan, maaari ngang maging matinding simula ng bagong buhay ang kanser. Dahil sa kanser, higit na lumalalim ang pananalig sa Diyos at pagmamahal sa kapwa. Lalong lumilinaw ang kahalagahan ng panahon at ng oras dahil sa totoo lang, ganoon talaga kahalaga ang bawat sandali ng buhay na ito. Walang panahong pababayaang maaksaya dahil sa kahalagahang maging buo, bukas, at laging handang umalalay sa kapwa. Mabuhay sa inyo, sa ika-10 anibersaryo ng Buhay Ka, Isabela!








Comments