ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Oct. 8, 2024
Kasama ang Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, masigasig na itinataguyod ng Senate Committee on Basic Education ang paggamit ng education technology o edtech, na alam nating mahalagang aspeto para matiyak ang patuloy na connectivity at access sa makabagong pamamaraan ng pagkatuto.
Isang pamamaraan ay ang mas epektibong pagpapatupad ng libreng WiFi program ng gobyerno, nang sa gayon ay matiyak natin ang internet connectivity sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa, kasama na ang public schools.
Sa inihain ng inyong lingkod nitong 19th Congress na Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383), nais nating palakasin ang paggamit ng information and communications technology sa pag-aaral at mag-atas sa DepEd na gawing digital ang mga workflow.
Sa ilalim ng naturang panukala, may mandato ang Department of Science and Technology (DOST) na makipagtulungan sa DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang isulong ang agham, teknolohiya, at inobasyon. Ito ay para paigtingin ang pag-aaral at pagtuturo, at ihanda ang sektor ng edukasyon sa Fourth Industrial Revolution.
Sa pinakahuling budget briefing ng DICT, inilahad ng naturang ahensya na kabilang sa kanilang konsiderasyon ang paglalagay ng libreng WiFi sa 125,000 na pampublikong lugar. Sa kasalukuyan kasi, ang libreng WiFi program ay sumasaklaw lang sa 6,700 pampublikong lugar na may estimang 13,000 access points.
Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na ang pagpapalawak ng libreng WiFi program sa 125,000 pampublikong lugar sa pamamagitan ng subscription ay maaaring hindi maging sustainable dahil mangangailangan ito ng P58 bilyong pondo kada taon. Samantala, pinag-aaralan nito ang iba pang paraan upang maging cost-efficient ang pagpapatupad ng libreng WiFi program.
Tinataya ng DICT na P5 bilyon ang kakailanganin upang maipatupad ang unang yugto ng kanilang planong free WiFi na sasaklaw din sa mga pampublikong paaralan. Ang budgetary requirement na ito, gayunpaman, ay hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na naisumite na sa Kongreso.
Maliban sa Senate Bill No. 383, kabilang sa ating mga panukalang batas na nagsusulong ng digitalization sa sektor ng edukasyon ay ang Philippine Online Library Act (Senate Bill No. 477), Public School Database Act (Senate Bill No. 478), at ang One Learner, One Laptop Act (Senate Bill No. 474).
Sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno, positibo tayong mapapaigting natin ang proseso ng digitalization sa bansa para matiyak na hindi mapag-iiwanan sa edukasyon ang ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments