Bucks, una sa playoffs, UST 4 wins; Tropang Giga, nanibak
- BULGAR
- Mar 16, 2023
- 2 min read
ni A. Servinio/GA/ Clyde Mariano @Sports | March 16, 2023

Nakamit ng numero unong Milwaukee Bucks ang karangalan na pinakaunang koponan na pasok na sa 2023 NBA Playoffs matapos ang 116-104 tagumpay sa Phoenix Suns kahapon sa Footprint Center. Ito ang ika-50 panalo ng Bucks at hindi na sila mahahabol ng ika-pitong Miami Heat na may 37 panalo at 12 laro pa ang nalalabi sa kalendaryo.
Nagkita ang Milwaukee at Phoenix para sa 2021 NBA Finals at pinaalala ng Bucks bakit sila ang nagwagi sa serye at napigil ang huling hirit ng Suns. Mula sa 97-97 ay bumanat ng walong sunod-sunod na puntos ang Bucks para sa 105-97 papasok sa huling limang minuto at sapat na ito para makuha ang tiket sa playoffs.
Ipinasok ni Giannis Antetokounmpo ang walo ng kanyang 36 puntos sa fourth quarter at may kasamang 11 rebound. Sinuportahan siya ni Brook Lopez na may 21 puntos at 11 rebound.
Samantala, madaling winalis ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang Ateneo Blue Eagles upang makuha ang kanilang ika-apat na panalo sa bisa ng straight set 25-19, 25-23, 25-14, habang nalampasan ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang wala pang panalong University of the East Lady Warriors sa five-setter panalo sa 25-19, 18-25, 25-12, 22-25, 15-5, kahapon sa University Athletic Association of the Philippines season 85 women's volleyball tournament sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.
Naging mahusay sa pagkamada ng puntos para sa Golden Tigresses si rookie Regina Jurado sa kabuuang 15 puntos mula sa 12-of-23 atake at tatlong service aces, habang nag-ambag si Eya Laure ng 10pts, 12 digs at anim excellent receptions.

Sa PBA, tulad sa inaasahan dahil malakas at mahaba ang championship experienced at maraming beses nag-champion, sinibak ng league-leading Talk ‘N Text ang North Port, 134-110, at tuluyang binaon ang ambsiyon ng Batang Pier na makaharap ang Phoenix sa playoff sa pangwalo at huling quarterfinal seat sa penultimate stage ng elimination sa Governors Cup sa Philsports Arena sa Pasig.








Comments