Bucks, solo lider na sa standings, Heat, mas mainit sa T'Blazers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 28, 2022

Nag-iisa na sa tuktok ng NBA ang Milwaukee Bucks matapos nilang patahimikin ang bisitang Brooklyn Nets, 110-99, para sa kanilang pangatlong sunod na panalo kahapon sa Fiserv Forum. Matapos ang ilang oras ay bumagsak ang nalalabing isa pang walang talo na Portland Trail Blazers at ipinahiya sila ng bisitang Miami Heat, 119-98.
Walang solusyon ang Nets sa mabagsik na laro ni Giannis Antetokounmpo na ibinuhos ang 17 ng 43 puntos sa huling quarter na may kasamang 14 rebound. Tumulong si reserba Bobby Portis na may 20 puntos at 11 rebound.
Nasira ang diskarte ng Nets matapos palabasin sa laro si Coach Steve Nash na may 4:24 nalalabi sa 3rd quarter dahil sa labis na pagreklamo sa reperi. Lamang ang Brooklyn, 70-66, subalit kinuha ng Milwaukee ang pagkakataon at lumamang, 100-85, sa huling shoot ni Giannis papasok sa huling 3 minuto.
Para sa Blazers, nagpasya si superstar Damian Lillard na huwag na maglaro sa 4th quarter dahil sumakit ang calf at lamang ang Heat, 94-81. Lalong ginanahan ang Miami ni kabayan Coach Erik Spoelstra at pinalaki nila ang agwat, 113-87, papasok sa huling 6 na minuto.
Namuno sa Miami si Bam Adebayo na may 18 puntos. Nakabawi si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson kay Jalen Green at Houston Rockets, 109-101, sa pangalawang pagkikita ng nakaraang tatlong araw. Nagtala si Clarkson ng 20 puntos. Samantala, tuloy pa rin ang penitensya ni LeBron James at Los Angeles Lakers at ipinatikim sa kanila ng Denver Nuggets ang ika-apat na sunod na talo, 110-99. Muntik na mag-triple double si MVP Nikola Jokic sa kanyang 31 puntos, 13 rebound at siyam na assist.
Sa iba pang laro, wagi sa overtime ang New York Knicks sa Charlotte Hornets, 134-131, at dinaig ng Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers, 119-109, kasabay ng 118-113 lusot ng Atlanta Hawks sa Detroit Pistons. Tambakan ang mga panalo ng Minnesota Timberwolves sa San Antonio Spurs, 134-122, Chicago Bulls kontra Indiana Pacers, 124-109 at Cleveland Cavaliers sa kulelat na Orlando Magic, 103-92.





Comments