top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Bucks, nakabawi, tinambakan ang Suns

BULGAR
Jul 13, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 13, 2021



Malaking tulong ang nagawa na maglaro sa sariling tahanan at tinambakan ng Milwaukee Bucks ang bisitang Phoenix Suns, 120-100, sa Game 3 ng 2021 NBA Finals kahapon sa Fiserv Forum. Lamang pa rin sa seryeng best of seven ang Suns, 2-1, subalit may magandang pagkakataon ng Bucks na maitabla ang serye sa Game 4 ngayong Huwebes sa Milwaukee muli.

Dala ng ingay ng tinatayang 18,000 sa loob at dagdag 25,000 tagahanga sa labas ng palaruan, umabot hanggang 25 ang lamang ng Milwaukee maaga sa fourth quarter, 101-76, matapos ang dunk ni Giannis Antetokounmpo. Hindi nagtagal ay pinaupo na ni Coach Mike Budenholzer ang kanyang superstar sa huling limang minuto at lamang na lamang, 113-91.

Walang nakapigil kay Giannis na nagtala ng 41 puntos at 13 rebound sa 38 minuto, kasunod sa kanyang 42 puntos at 12 rebound sa Game Two noong isang araw. Nagising si Jrue Holiday mula sa kanyang matamlay na serye upang gumawa ng 12 ng 21 puntos sa mahalagang third quarter at sinundan ni Khris Middleton na may 18 puntos.

Maganda ang simula ng Phoenix at nakuha ang first quarter, 28-25, sa likod ng 12 puntos ni Deandre Ayton. Bumanat ang Milwaukee sa third quarter kung saan ipinako nila ang kalaro sa 76 at ibinuhos ang walang sagot na 16 puntos sa huling 3:43 upang lumayo papasok sa fourth quarter, 98-76, tampok ang pitong puntos ni Antetokoumpo at dalawang tres ni Pat Connaughton na naghudyat at tumuldok sa kanilang arangkada.

Nanguna sa Phoenix si Chris Paul na may 19 puntos at sinundan nina Ayton at Mikal Bridges na may tig-18 puntos. Umasim ang shooting ni Devin Booker at gumawa lang siya ng 10 puntos matapos ang 31 buhat sa pitong tres noong Game Two.

Hindi na pinalaro ni Coach Monty Williams si Booker sa fourth quarter. Maaga din niya ipinahinga si Paul sa huling anim na minuto at pinasok ang mga reserba upang simulan ang paghahanda para sa Game Four.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page