Bucks, Magic, Celtics, at Clippers, bumirada
- BULGAR
- Dec 24, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 24, 2021

Nanaig ang World Champion Milwaukee Bucks sa bisitang Houston Rockets, 126-106, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Kahit patuloy ang pagliban ni superstar Giannis Antetokounmpo, naiwasan ng Bucks ang ikatlong sunod na talo at umangat 20-13 at manatling malapit sa liderato ng Eastern Conference.
Tinakpan ang puwang nina Jrue Holiday sa kanyang 24 puntos at 10 assist at Khris Middleton na may 23 puntos.
Pumasok sa health protocol si Antetokounmpo noong Martes at lalong humaba ang listahan ng mga bituin ng liga na hindi muna makakalaro.
Kahit natalo, tumanggap ng magandang balita ang Rockets at makakalaro na muli ang Fil-Am rookie na si Jalen Green sa susunod nilang laban kontra sa Indiana Pacers ngayong araw.
Isang buwan halos umupo si Green matapos mapilay ang hita sa laro nila laban sa Chicago Bulls noong Nobyembre 24.
Nagwagi ang Orlando Magic, 104-98, sa Atlanta Hawks na isa pang koponan na pansamantalang nawala ang bituin na si Trae Young dahil sa health protocol.
Bumida para sa Magic si rookie Franz Wagner sa kanyang 25 puntos at Gary Harris na may 17 puntos.
Nagtala ng triple double na 27 puntos, 11 rebound at 12 assist si Shai Gilgeous-Alexander at ginulat ng kanyang Oklahoma City Thunder ang Denver Nuggets, 108-94.
Tinulungan siya ni Lu Dort na may 15 puntos at tatlong sunod na tagumpay na ang Thunder.
Tumira ng 34 puntos si All-Star Jaylen Brown upang itulak ang Boston Celtics sa 111-101 panalo sa Cleveland Cavaliers.
Nagambag ng 21 puntos si Robert Williams III habang naglaro sa unang pagkakataon ang 40-anyos na si Joe Johnson na pinapirma bilang pansamantalang kapalit para sa mga Celtics na nasa health protocol.
Kasama din sa mga nanaig kahapon ang bisitang Los Angeles Clippers sa Sacramento Kings, 105-89.
Balanseng atake ang ginamit ng Clippers sa pangunguna nina Eric Bledsoe na may 19 puntos at Paul George na may 17 puntos.




Comments