top of page

Bucks, ginanahan kontra Bulls, Beal, ipinanalo ang Wizards

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 18, 2023
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 18, 2023




Humaba sa isang dosena ang magkasunod na tagumpay ng Milwaukee Bucks matapos manaig sa Chicago Bulls, 112-100, sa NBA kahapon mula sa United Center. Nalampasan ng Milwaukee ang maagang pagkawala ni Giannis Antetokounmpo upang umakyat sa 41-17 at pangalawa sa buong liga papasok sa 2023 All-Star Weekend.


Bumagsak at nasaktan ang pulso ni All-Star Giannis higit isang minuto pa lang ang lumilipas sa 2nd quarter at hindi na bumalik. Lamang ang Bucks, 34-28, subalit hindi kinuha ng Bulls ang pagkakataon at lalong ginanahan ang Milwaukee hanggang lumaki sa 105-80 ang kanilang agwat sa gitna ng 4th quarter.


Humugot ang Bucks ng 33 puntos mula kay Brook Lopez at sinuportahan ni Jevon Carter na may 22 puntos. Susuriin si Giannis kung makalalaro siya sa All-Star pero gagampanan pa rin niya ang kanyang tungkulin bilang isa sa mga kapitan kasama si LeBron James at pipiliin ang kanilang mga kakampi bago ang laro sa Lunes ng umaga, oras sa Pilipinas.


Sa ibang mga laro, gumawa ng 17 ng kanyang 35 puntos sa 4th quarter si Bradley Beal upang makahabol ang Washington Wizards at magwagi sa Minnesota Timberwolves, 114-106. Bumida rin si All-Star Paul George sa kanyang 26 puntos sa 116-107 wagi ng Los Angeles Clippers sa Phoenix Suns.


Samantala, hindi makalalaro si kabayan Jalen Green sa Jordan Rising Stars ngayong Sabado sa pagbubukas ng 2023 All-Star Weekend sa Vivint Arena ng Utah Jazz matapos masaktan ang hita sa huling laro ng kanyang Houston Rockets sa Oklahoma City Thunder. Papalitan siya sa Team Deron ni Ayo Dosunmu ng Bulls.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page