Bucks, dinispatsa ang Nets, Jokic, sa 100-triple double
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 2, 2023

Isang mabangis na second half ang naging susi ng numero unong Milwaukee Bucks upang palubugin ang Brooklyn Nets, 118-104, at pahabain sa 15 ang magkasunod na tagumpay sa NBA kahapon sa Barclays Center. Nakamit din ni MVP Jokic ang kanyang ika-100 triple double sa 133-112 tambak ng Denver Nuggets sa Houston Rockets.
Kontrolado ng Nets ang first half, 62-52, subalit sumandal ang Bucks kay Giannis Antetokounmpo at Khris Middleton upang makahabol sabay guho ng Brooklyn sa fourth quarter. Halimaw muli si Giannis sa kanyang 33 puntos at 15 rebound habang18 si Middleton bilang reserba.
Sa huling 5 minuto ng third quarter pa lang ay triple double na si Jokic matapos tapikin papasok ang mintis para sa ika-10 rebound at ika-14 puntos upang samahan ang kanyang 10 assist. Humakot pa siya ng isa pang rebound bago umupo na may 2 pang minuto sa quarter at lamang ang Denver, 99-75, at hindi na siya naglaro sa buong 4th quarter.
Si Jokic ang ika-anim na kasapi sa listahan na may 100 triple double. Nauna na sa kanya sina Russell Westbrook (198), Oscar Robertson (181), Magic Johnson (138), Jason Kidd (107) at LeBron James (106).
Mukhang maiipit sa 106 at matagal mawawala si LBJ na may pilay sa paa. Walang nagawa ang kanyang Los Angeles Lakers na mapigil ang malupit na laro ni Ja Morant at wagi ang Memphis Grizzlies, 121-109.
Lamang ang Lakers ng maaga sa 3rd quarter, 55-49, at iyan na ang hudyat para kay Morant na magsabog ng 28 puntos at ibigay sa Memphis ang 93-84 abante papasok sa 4th quarter at hindi na binitiwan ito. Nagtapos si Morant na may 39 puntos, 10 rebound at 10 assist.





Comments