Bucks at Clippers, nanggulat kontra Philadelphia at Lakers
- BULGAR
- Oct 22, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 22, 2022

Nagising ang bisitang Milwaukee Bucks sa tamang panahon upang gulatin ang Philadelphia 76ers, 90-88, sa ikatlong araw ng bagong taon ng NBA kahapon sa Wells Fargo Arena. Bumida sa huling mga segundo sina Wesley Matthews at Brook Lopez para sa kanilang unang panalo at ibaba ang 76ers sa 0-2.
Sinayang ng Bucks ang 73-63 lamang papasok ng 4th quarter at humabol ang Philadelphia. Ipinasok ni Matthews ang 3-points upang ibalik ang abante sa Milwaukee, 89-88, at 24 segundo sa orasan.
May pagkakataon ang 76ers pero nagmintis ang tira ni James Harden at bumalik ang bola sa Bucks na may 4 segundong nalalabi. Muntik na mag-triple double si Giannis Antetokounmpo sa 21 puntos, 13 rebound at 8 assist habang 17 puntos si Lopez. Hindi naglaro si All-Star Khris Middleton matapos operahan sa pulso at tinatayang tatlong linggo siyang mawawala.
Namuno sa Philadelphia si James Harden na may 31 puntos. Sumunod sina Tyrese Maxey at Joel Embiid na parehong may 15 puntos at humakot din ng 12 rebound si Embiid.
Sa pangalawang laro, napunta sa Los Angeles Clippers ang Round One ng "Battle of LA" at binigo ang Los Angeles Lakers, 103-97, sa Crypto.com Arena. Sinamahan ng Lakers ang 76ers sa 0-2.
Bumalik sa aksiyon si Kawhi Leonard matapos ang mahigit isang taon at bumomba ng 14 puntos. Nagtala ng 15 puntos ang bagong Clipper na si John Wall at tumbasan ang 15 ni Paul George. Nanguna sa Lakers sina Lonnie Walker IV na may 26 at Anthony Davis na may 25 puntos. Nasayang ang double-double ni LeBron James na 20 puntos at 10 rebound.





Comments