BUCAS Center, handog ay mas mabilis at abot-kayang serbisyong medikal
- BULGAR

- May 13
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 13, 2025

Noon pa man, pangarap na ng mamamayan na matugunan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan na kapag nagkasakit ay mabigyan ng agarang lunas upang hindi na lumubha pa o kaya’y humantong sa pagkamatay. Hindi ba’t matagal na rin nating inaasam-asam ang mabilis, abot-kaya, at maayos na serbisyong medikal, na abot saan mang panig ng Pilipinas?
Sa wakas, isang makabuluhang hakbang ang ginagawa ng pamahalaan para mas mapalapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad — ito ay sa pamamagitan ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Services (BUCAS) centers na umabot na sa 51 sa buong bansa.
Ayon sa Malacañang, ang mga bagong pasilidad na ito ay kasalukuyang operational sa 33 probinsya, kabilang ang 26 sa Luzon, 8 sa Visayas, at 17 sa Mindanao. Layunin ng BUCAS centers na ito na punan ang agwat sa pagitan ng barangay health centers at malalaking ospital. Kumbaga, ito ang magiging middle ground para sa mga nangangailangan ng agarang serbisyong medikal, pero hindi kinakailangang ma-confine o dalhin sa tertiary hospital. Bukod dito, ang mga pasilidad ay may makabago at kumpletong gamit, kaya’t kayang mapagsilbihan ang higit 500 pasyente araw-araw.
Kabilang sa mga serbisyong handog ng naturang center ay laboratory tests, cancer screening, OB-Gyne consultations, mental health support, tuberculosis management, first aid para sa aksidente sa kalsada, dental care, pagbabakuna, at kahit surgical procedures para sa breast, tumor, at cataract.
May mga serbisyong nakatuon din sa matatanda gaya ng geriatric care, ENT check-ups, at orthopedic services.
Lalo pang pinabilis ang access sa gamot sa pamamagitan naman ng in-house pharmacy na nasa loob ng bawat BUCAS center.
Bagama’t karamihan sa mga serbisyo ay libre, may ilang specialized procedures na may kaakibat na maliit na bayad. Simula nang itayo ang unang batch ng mga pasilidad noong Marso 2024, humigit-kumulang 800,000 kababayan na ang natulungan, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Marahil, ang pagkakaroon ng ganitong uri ng center ay hindi lamang usapin ng serbisyong medikal — ito ay patunay na unti-unting binibigyang halaga ng gobyerno ang kalusugan ng bawat Pilipino, lalo na ang mga nasa malalayong lugar. Kapag kasi may magandang kalusugan ang mga mamamayan, may kakayahan na rin silang makapagtrabaho, at kasunod nito ay pag-unlad na rin ng bayan. Kaya sana, mas tutukan pa ang serbisyong pangkalusugan ng ating gobyerno.
Mabuti ang layuning ito ng kinauukulan na magkaroon ng sistemang pangkalusugan na hindi nagpapahirap, kundi tunay at maayos na naglilingkod para sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments