top of page
Search
  • BULGAR

Bryant, Garnett at Duncan sa Naismith Hall of Fame

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 18, 2021




Matapos ang isang taon ng paghihintay ay puno pa rin ng emosyon ang seremonya na nagluklok ng mga pinakabagong kasapi ng Naismith Memorial Basketball of Fame. Pinangunahan ang mga baguhan ng namayapang si Kobe Bryant, Kevin Garnett at Tim Duncan at anim na iba pang personalidad na malaki ang ambag sa Basketball.

Noong siya ay nabubuhay, naka-ilang bisita si Bryant sa Pilipinas. Tinanggap ng kanyang maybahay na si Vanessa ang karangalan sa seremonya na ginanap sa Mohegun Sun sa Uncasville, Connecticut imbes sa kinagawian na sa HOF mismo sa Springfield, Massachusetts.

Walang iba kundi si Michael Jordan ang namuno sa pagluklok kay Bryant. “There will never be anyone like Kobe,” wika ni Vanesa, “he was humble – off the court – but bigger in life.”

Para kay Garnett, inamin niya na malungkot siya at hindi niya nabigyan ng kampeonato ang Minnesota Timberwolves kung saan naglaro siya sa 14 ng kanyang 21 taon sa NBA. Kasama si KG sa Boston Celtics na kampeon noong 2008 at tututok ng pansin ngayon na tulungan umahon ang Timberwolves na isa sa mga madalas kulelat sa liga.

Kabilang si Duncan sa limang kampeonato ng San Antonio Spurs at dalawang beses siyang napili bilang MVP noong 2002 at 2003. Naantala ang paggawad sa mga napili dahil sa COVID-19.

Kasama ng tatlong alamat ang alamat ng WNBA na si Tamika Catchings at mga kampeon na coach na sina Coach Rudy Tomjanovich, Coach Kim Mulkey at Coach Barbara Stevens. Ginawaran din ang namayapang Coach Eddie Sutton at dating FIBA Secretary General Patrick Baumann na malaki rin ang naitulong sa pagtatag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Nakatakdang ihayag ng HOF ang resulta ng botohan para sa mga susunod na gagawaran sa Setyembre 11. Ilan sa mga nominado ay sina Paul Pierce, Chris Webber, Chris Bosh, Ben Wallace at mga coach na sina Rick Adelman at Bill Russell na nasa HOF na bilang manlalaro.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page