Brown at Randle, bumidang players ng Celtics at Knicks
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 27, 2023

Naglabas muli ng milagro si Jayson Tatum at ipinanalo niya ang numero unong Boston Celtics, 110-107, laban sa Philadelphia 76ers sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Wells Fargo Center. Bumira ng three-points si Tatum na may 1.3 segundo sa orasan para ibigay sa Celtics ang kanilang ika-44 panalo sa 61 laro.
Lamang ang Boston papasok sa huling minuto, 107-103, subalit bigla silang lumamig at walang kabang ipinasok nina James Harden at Joel Embiid ng 76ers ang tig-dalawang free throw upang itabla ang iskor sa 107-107. Tumawag si Coach Joe Mazzulla ng timeout at pinasahan ni Marcus Smart si Tatum para sa nagpapanalong puntos.
Nagtapos si Tatum na may 18 puntos at 13 rebound. Nanguna sa Celtics si Jaylen Brown na may 26 puntos habang 18 puntos din si Derrick White.
Itinala ng New York Knicks ang 128-106 pagwagi sa bisitang New Orleans Pelican at tiyakin na hindi mababahiran ang paggunita ng ika-50 taon ng huling kampeonato ng prangkisa noong 1973. Sa harap ng kanilang mga alamat, bumida ang mga kasalukuyang Knicks Julius Randle para sa 28 at RJ Barrett na may 25 puntos.
Dumating sa Madison Square Garden ang mga nalalabing manlalaro sa pangunguna nina Sen. Bill Bradley, Walt Frazier at Earl Monroe subalit hindi nakadalo si Phil Jackson.
Tinalo ng Knicks ang Los Angeles Lakers, 4-1, para sundan ang unang kampeonato noong 1970.
Samantala, lumapit ang naghahabol na Memphis Grizzlies at binigo ang nangunguna sa Western Conference Denver Nuggets, 112-94. Umabot ng 35 ang agwat na may 10 minuto pa sa fourth quarter, 100-65, at binawasan na lang ito ng Nuggets.





Comments