Bravo at Attractive sa Sprint Race Turf
- BULGAR
- Aug 3, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 03, 2023
Masisilayan ang matitikas na sina Bravo at Attractive Force sa magaganap na 4-Year-Old & Above Sprint Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Agosto 20, (Linggo).
Tiyak na mapapahirapan sina Bravo at Attractive Force sa pinupuntirya nilang titulo dahil pang-stakes races din ang mga naghayag ng paglahok sa distansiyang 1,000 meter race.
Gagabayan ni Jonathan Flores si Bravo habang si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema ang rerenda kay Attractive Force sa karerang nakalaan ang P1.5M garantisadong premyo na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Ang ibang makikipagtagisan ng bilis kina Bravo at Attractive Force ay sina Agi Daw, Ambisioso, Gomezian, Gusto Mucho, Life Gets Better, Main Event, Palauig, Stardust at Weather Lang.
Sisikwatin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa second placer ang P300,000, may P150,000 naman ang kukubrahin ng tersero habang tig- P75,000, P45,000 at P30,000 ang fourth, fifth at sixth ayon sa pagkakahilera.
Hahamigin naman ng breeder ng winning horse ang P75,000 habang tig-P45,000 at P30,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nakaraan lamang ay nasilayan ng mga karerista si Bravo sa pista, sumegundo siya sa nanalong si Don Julio sa naganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System.
Ayon sa mga kareristang nakasaksi sa laban ni Bravo, maganda ang ipinakita nitong takbo kahit dumating lang itong segundo.





Comments