Bratley, nanggulat sa 3-yo Maiden Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 28, 2022
Binulaga ng dehadong Bratley ang mga karerista matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race noong Linggo sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang performance ni Bratley na pag-aari ni CS Pasamba, lumabas na segundo pero walang dalawang metro ang takbuhan ay nilampasan agad nito ang nangungunang si Lucky Choice.
Pagdating ng far turn ay may tatlong kabayo ang agwat ni Bratley sa pumapangalawang si Cupid Bell.
Nakalapit ang liyamadong Cupid Bell kay Bratley sa rektahan, pero nanatili ang tikas ng winning horse at umunat ulit ito para maunang tawirin ang meta.
Nirendahan ni jockey RM Garcia, inirehistro ni Bratley ang 1:27 minuto sa 1,400 meter race upang ibulsa ang added prize na P10,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Dumating na segundo sa finish line si Laktod habang tersero si Cupid Bell na nakakuha ng maraming suporta sa mga mananaya.
"Maraming suporta si Cupid Bell kasi alam nila magaling na kabayo, pero ang ganda ng itinakbo ni Bratley," saad ni Gino Sapantaha, veteran karerista.
Samantala, nagwagi si Dollarama sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa pangatlong karera.
Ginabayan ni Rodeo Fernandez, inilista ni Dollarama ang 1:28 minuto sa 1,400 meter race, sumegundo sa nasabing laban si Matukad Island habang tersero si Phenom.





Comments